MAY kabuuang P49.807 billion ang ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa mandated monthly allowance ng mahigit apat na milyong mahihirap na senior citizens sa buong bansa.
Ayon sa DBM, ang halaga ay inilabas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noon pang Enero ng kasalukuyang taon.
Layon ng Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) Program ng DSWD na matulungan ang mahihirap na senior citizens sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at mga pangangailangang medikal.
Sa ilalim ng Republic Act 11916, ang mga benepisyaryo ng SPISC Program ay tatanggap ng monthly stipend na P1,000 ngayong taon.
Doble ito ng P500 na dating tinatanggap ng mga kuwalipikadong seniors.
“Eligible recipients of the allowance must be 60 years old and older, frail and sickly, and without pensions from other government sources such as the Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), Social Security System (SSS), and private insurance companies,” ayon sa DBM.
Bukod dito, ang mga recipient ay wala dapat regular source ng income o suporta mula sa kanilang pamilya o mga kaanak para tustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Ayon sa DBM, ang alokasyon ngayong taon para sa SPISC ay mas mataas sa P25.30 billion noong nakaraang taon.