(Ipinamahagi ng DA) BAYAD-PINSALA SA ASF-HIT FARMERS

ASF-10

NAMAHAGI ang Department of Agriculture (DA) sa Calabarzon ng bayad-pinsala sa mga naapektuhan ng African swine fever sa lalawigan ng Rizal.

Aabot sa 95 magsasaka ang nabigyan noong nakaraang Marso 23 ng tig-P5,000 sa bawat ulo ng baboy na kanilang ipinaubaya nang magsagawa ng depopulation activity ang Kagawaran sa kanilang lugar.

Tinatayang umabot sa P3.25 milyon ang naipamahagi sa mga magsasaka mula sa mga bayan ng Baras, Cardona, Morong, at Tanay, sa pangunguna ng Regional Livestock Program at Agricultural Program Coordinating Office-Rizal.

Samantala, pinangunahan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng DA sa Gitnang Luzon ang pagsuporta at pagtulong sa mga hog dealer mula sa Metro Manila para maiugnay sila sa mga supplier ng baboy sa rehiyon.

Kamakailan lamang ay natulungan ng AMAD ang dalawang hog dealers mula sa Metro Manila na sina Sherlyn Francisco at Milagros Conception na maiugnay sa Charoen Pokphand Foods Philippines (CPF), isang supplier ng baboy na mula sa General Tinio, Nueva Ecija at Mayantoc, Tarlac na kabilang sa Agriculture and Fisheries Corporation ng bansa.

Isa sa mga layunin ng Market Linkage na matiyak ang sapat na suplay ng baboy sa Metro Manila. Layunin din nitong makatulong sa mga hog dealer sa pagtugon sa Executive Order 124 na ipinalabas ni Presidente Rodrigo Duterte noong Pebrero 1 na nagtatakda ng price cap sa kada kilo ng pigue/kasim sa P270, habang ang liempo naman ay P300 ang kada kilo.

Ayon sa datos ng AMAD, nasa 380 heads ng baboy na umabot sa 37,620 kgs at may halagang P8,364,479  ang naisuplay sa Met-ro Manila. Ito ay naibenta sa Quezon City, Novaliches, at Blumentrit.

One thought on “(Ipinamahagi ng DA) BAYAD-PINSALA SA ASF-HIT FARMERS”

Comments are closed.