(Ipinamahagi sa pinakamahihirap) AYUDA SA APEKTADO NG PANDEMYA, BAGYONG ODETTE

NAMAHAGI ang tanggapan ni Senadora Grace Poe ng ayuda sa mga apektadong pinakamahihirap na mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nahihirapang bumangon dulot ng pandemya.

Kabilang sa mga ipinamahagi ng opisina ni Poe ang mga gamot, relief goods at iba pang uri ng tulong sa mga pinakamahirap na pamilyang Pilipino.

“Ngayon higit kailanman, kailangan nating mapaabot ang lahat ng ating maibibigay sa ating mga kababayan para sabay-sabay tayong makabangon. Kahit maliit na tulong, kapag pinagsama-sama, ay malaking bagay,” ayon kay Poe.

Matindi rin ang naging epekto ng pandemya sa mga estudyante na napilitang huminto sa pag-aaral dahil sa kawalan ng trabaho o kabuhayan ng kanilang mga magulang.

“Sa panahon ngayong tila huminto lahat, kailangan pa ring magpatuloy ang edukasyon para hindi maramdaman ng ating mga anak na kailangang huminto rin ng kanilang mga pangarap,” giit ni Poe na namigay ng mga tablets sa mga estud­yante para makasabay sa online classes.

Nauna rito, nag-organisa ang Senadora ng pamamahagi ng mga relief goods sa Siargao, Cebu, Bohol, Surigao at Lanao del Sur na matinding sinalanta ng bagyong Odette.

Kasama sa relief goods ang mga bote ng tubig at water filters, bigas at mga de-latang pagkain, face masks at mga bubong para sa mga itinatayong bahay.

“Ang bayanihan ay hindi dapat iwanan lamang sa kamay ng        ating mga mamamayan. Kailangan nilang maramdaman ang tulong ng gobyerno sa bawat hakbang patungo sa pag-ahon,” dagdag ni Poe.

Ang mga donasyong inisyatibo ni Poe ay ipinamahagi ng Panday Bayanihan foundation na itinatag bilang pagtugon sa Bagyong Maring noong 2013.

Mula noon, nagpapatuloy ito sa pagbibigay ng tulong sa mga lugar na tinatamaan ng kalamidad at umaalalay sa mga pamilyang na­ngangailangan. VICKY CERVALES