NABABAHALA si Senador Win Gatchalian sa mataas na presyo ng internet access sa bansa, gayundin sa halaga ng internet connectivity na dapat maging mas abot-kaya para sa kapakinabangan ng mga mamimili.
Inihayag ni Gatchalian sa isang forum hinggil sa digital connectivity na ang average na buwanang gastos para sa internet na may bilis na hindi bababa sa 60 megabits per second (Mbps) sa Pilipinas ay humigit-kumulang P2,057, batay sa pagtaya ng global database na Numbeo.
Ang naturang halaga ay humigit-kumulang limang porsiyento na mas mataas kung ihahambing sa buwanang gastos na pumapalo sa P1,951 sa Singapore, ang bansang may pinakamabilis na fixed broadband connection na 234.6 Mbps.
“Sa mga datos na ito, malinaw na makikita na kailangan nating i-upgrade ang kalidad ng serbisyo ng internet sa bansa. Kailangan nating tiyakin na ang halagang binabayaran natin para sa mga serbisyo ng internet ay naaayon sa kalidad na ating natatanggap. Ang mga mamamayang Pilipino ay nagbabayad ng higit sa mga Singaporean para sa serbisyo sa internet,” paghahalintulad ni Gatchalian.
Aniya, ang pagtugon sa isyu ng affordability ng mga serbisyo sa internet ay kasing halaga ng kalidad ng broadband connectivity at upang makamit ang tinatawag na “levelling the playing field.”
“Kung ikukumpara sa ibang mga bansa sa ASEAN, ang Pilipinas ay nahuhuli sa bilis ng mobile internet, na ang average na pag-download ay umaabot sa 24.6 Mbps at ito ay humigit-kumulang 3.64 beses na mas mabagal kaysa sa Brunei, na sinasabing may pinakamabilis na connection sa buong rehiyon ng ASEAN,” ayon kay Gatchalian.
“Ang mas mataas na koneksiyon sa internet ay nauugnay sa pagdami ng trabaho, employment mobility, at pangkalahatang paglago ng trabaho. Ang internet access ay nagbibigay-daan din sa pag-access sa mga kritikal na pampublikong serbisyo tulad ng edukasyon at pangkalahatang kalusugan,” dagdag pa niya.
Sa hangaring mapataas ang access ng publiko sa internet, pinagtibay ng Kongreso bilang batas ang “Free Internet Access in Public Places Act” para magbigay ng libreng internet access sa mga opisina ng gobyerno at pampublikong lugar.
Gayunpaman, sa ulat ng “Digital 2023”, ang internet adoption sa Pilipinas ay nasa 73.1% lamang na ibig sabihin, nasa 80 milyong Pilipino lamang ang gumagamit ng internet.
“Kung malulutas natin ang mga isyu na mayroon tayo sa digital connectivity, makatitiyak tayo ng isang universal, abot-kaya, at maaasahang koneksyon sa internet na isang mahalagang bahagi para sa inclusive economic recovery,” pagtatapos ng senador.
VICKY CERVALES