(Ipinatatayo sa BAI para mapigilan ang pagkalat ng sakit ng hayop) QUARANTINE STATIONS SA METRO

INATASAN ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Animal Industry (BAI) na magtayo ng livestock, poultry at meat industry inspection sites sa Metro Manila upang pag-ibayuhin ang pagbabantay at pagkontrol sa pagkalat ng sakit ng mga hayop tulad ng bird flu or Avian influenza at African Swine Fever (ASF) na makaaapekto sa produksiyon ng lokal na produkto ng agrikultura.

Sa ilalim ng Administrative Circular No. 10 na nilagdaan ni Tiu Laurel, ang BAI, sa pamamagitan ng National Veterinary Quarantine Services Division ay inatasan na makipagtulungan sa local government unit (LGUs) sa paglalatag ng quarantine checkpoints para matukoy ang mga sakit ng hayop.

“Ang mga inspection sites na ito ay magsisilbing pananggalang laban sa pagkalat ng mga sakit ng hayop na nagiging banta hindi lamang sa lokal na livestock at poultry industries kundi pati na rin sa kalusugan ng publiko at seguridad sa pagkain,” sabi ni Tiu Laurel.

Sa kasalukuyan ay may mga rehiyon sa bansa ang patuloy na apektado ng ASF na nagdulot ng matinding epekto sa industriya ng baboy simula sa naunang naiulat na outbreak sa bansa noong 2019.

Nagsimulang muling makapagtala ng mga kaso ng ASF mula sa Region IV-A bago ito nakaapekto sa iba pang lugar na may mga hog raisers sa bansa.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin, aniya, ang banta ng highly-pathogenic avian infuenza sa kalusugan ng mga alagang manok at poultry animals at products na makaaapekto sa produksiyon ng mga ito.

“Milyon-milyong mga baboy at manok na ang pinatay upang makontrol ang pagkalat ng mga sakit na nagresulta sa bilyon bilyong pagkalugi, pagkawala ng kita, puhunan at hanapbuhay. Ang industriya ng baboy at manok ang pangunahing nagbibigay ng kontribusyon sa agrikultura.Bukod sa pagtatatag ng inspection sites, inatasan din ang BAI na i-assess ang missing links sa quarantine wall upang masiguro ang mahigpit na border controls,” sabi ng DA.

“Dahil sa matinding epekto sa ekonomiya ng ASF at iba pang sakit sa livestock at poultry industries, marapat lamang na ipatupad ang mahigpit na disease management protocols at istratehiya upang makontrol ang pagkalat ng mga nabanggit na sakit,” dagdag pa ng kalihim.