IGINIIT ni Senador Francis Tolentino na bigyan ng pagkakataon ang mga Indigenous People (IP) na makapasok at maging miyembro ng Philippine National Police ( PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order, ipinaglaban ni Tolentino ang patas na pagtrato sa Indigenous Cultural Communities (ICCs) o tinatawag na mga lahing katutubo.
Tinukoy ni Tolentino sa pagdinig ang kanyang Senate Bill no. 405 o “Katutubong Tagapagtanggol Act of 2019” na naglalayon na kilalanin ang mga katutubo na mabigyan ng pagkakataon na makapagsilbi sa bayan.
Nakasaad sa kanyang panukala ang exemption sa height, physical deformities at mga tattoo ng mga katutubo na nais na pumasok sa Philippine Military Academy (PMA) at Philippine National Police Academy (PNPA).
Paliwanag pa ng senador, nasa kultura ng mga katutubo ang pagkakaroon ng tattoo sa katawan at ang hindi katangkaran dahil sa kanilang lahi. VICKY CERVALES