KUNG ating titingnan sa pangkalahatang senaryo, naging mas maayos ang kampanya nitong eleksiyon kumpara sa mga nagdaang halalan.
Bagama’t hindi na bago ang ganitong mga eksena, sa loob ng ilang buwan ay naging saksi tayong lahat sa awayan at palitan ng mga diskurso at kaliwa’t kanang miting de avance upang ipahayag ang suporta sa ating mga napiling kandidato.
Matapos ang ilang buwan, opisyal na nating ibinigay kahapon ang ating mga boto sa mga napusuan nating kandidato na inaasahan nating mag-aahon sa atin mula sa epekto ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Gayunpaman, patuloy pa rin ang palitan ng diskurso ng mga supporter sa social media habang ang lahat ay naghihintay na matapos ang pagbibilang ng boto at pormal nang maihayag kung sino-sino nga ba ang napili ng publiko na iluklok sa puwesto.
Kung ating titingnan, kailan man ay hindi naman nakatulong sa kampanya at halalan ang batuhan ng mga negatibong impormasyon laban sa mga kandidato, at pagpapahiya dahil hindi naman ito ang nais na marinig ng sambayanang Pilipino, kundi ang mga plataporma at programa, at kung paano nila ito makakamit.
Dagdag pa, ang Pilipinas ay isang malayang bansa. Katulad ng ating karapatan sa pagpapahayag, karapatan din ng bawat isa na iboto ang mga kandidatong malapit sa kanilang puso, at kanilang pinaniniwalaan na magdadala ng kaayusan at kaunlaran sa Pilipinas.
Subalit katulad ng aking sinasabi, ang ating karapatan ay tila walang saysay kung ang karamihan sa mga mamamayan ay hindi malayang nakakapagpahayag ng opinyon o karapatan nang walang kaakibat na panunuligsa o pagkontra mula sa publiko at mga kinauukulan.
Dahil tapos na ang halalan, sana ay respetuhin natin ang mga kandidatong ibinoto ng sambayanan.
Sa panahon ngayon, ang pinakamahalaga lamang ay ang paghalal sa mga taong karapat-dapat sa puwesto, na uunahin ang sambayanang Pilipino, at hindi tumakbo para lamang makamit ang kanilang personal na interes.
Sa nakalipas na halalan, sana ay naging wais ang bawat isa sa pagboto at hindi bumase lamang sa katanyagan ng mga kandidato, sa hitsura, o sa kanilang personal na nagawa para sa atin, bagkus ay bumase sana sila sa kanilang mga nagawa at magagawa pa para sa bayan.
Sa nagdaang eleksiyon, sana ay sumagi sa isip ng bawat botante na ang lahat ng sakit ng lipunan ay kagagawan ng mga lider na may maling patakaran, prayoridad, at pamantayan, na ating inihalal.
Hindi masusugpo ang tiwaling pamahalaan ng mismong tiwaling lider, at hindi kahit kailan man uunahin ng nasusuluhan ang kapakanan ng kanyang sinasakupan.
Palagi nating tatandaan na ang bawat boto natin ay ang ating tiket tungo sa mas magandang kinabukasan ng Pilipinas. Palagi nating gamitin ang ating mga boto bilang ating kapangyarihan laban sa katiwalian, tungo sa tuluyang pagbabago at pag-unlad ang ating bansa.