ISA NA LANG SA HEAT

HEAT

NAGBUHOS si rookie Tyler Herro ng career-high 37 points at nagdagdag si Jimmy Butler ng 24 nang maungusan ng Miami Heat ang Boston Celtics, 112-109, sa Game 4 ng Eastern Conference finals noong Miyerkoles ng gabi (US time) sa Orlando.

Sa panalo ay lumapit ang Miami sa NBA Finals.

Naipasok ni Herro ang 14 sa kanyang 21 shots mula sa bench upang ipagpatuloy ang kanyang kagila-gilalas na playoff run at kinuha ng Heat ang 3-1 bentahe sa best-of-seven series. Tumipa si Goran Dragic ng 22 points, at nagdagdag si Bam Adebayo ng 20 points at 12 rebounds.

Nanguna si Jayson Tatum para sa Celtics na may 28 points, pawang mula sa second half, at gumawa si Jaylen Brown ng  21. Umiskor si Kemba Walker ng 20, at nag-ambag sina Gordon Hayward ng14 at Marcus Smart ng 10 points at 11 assists.

Sisikapin ng Miami na tapusin ang serye sa Game 5 sa Biyernes (US time).

Hindi tulad sa unang tatlong laro, nang malamangan ang Heat ng double digits, naitala ng Miami ang 58-46 kalamangan sa kaagahan ng third quarter. Bago ang naturang run, ang pinakamalaking bentahe ng Heat sa series ay walo. Nabuhay si Tatum, hindi nakaiskor sa unang anim na tira sa first half, na may 16 points sa period kung saan lumapit ang Celtics sa  77-76 papasok sa fourth.

Lumamang ang Boston sa unang pagkakataon magmula sa 11:05 ng second quarter sa dunk ni Daniel Theis, may 8:51 ang nalalabi sa laro. Isang basket ni Adebayo at limang puntos ni Herro ang nagbigay sa Miami ng 91-85 lead.

Pinalobo ng Heat ang kanilang bentahe sa 98-90 sa ika-5 tres ni Herro, may 4:09 ang nalalabi. Naipasok ni Brown ang isang tres at nagdagdag si Smart ng isang layup upang lumapit ang Celtics sa tatlong puntos, ngunit umiskor sina Dragic at  Butler upang palobohin ang kalamangan sa pito.

Makaraang maipasok ni Tatum ang isang 3-pointer, sumagot si Dragic at nagdagdag si Herro ng isang layup upang bigyan ang Miami ng siyam na puntos na kalamangan, may 56.2 segundo ang nalalabi. Muling lumapit ang Boston sa tatlo sa 3-pointer ni Brown, may 16 segundo ang nalalabi, subalit ang mga  free throws nina Herro at Butler ay nakatulong sa Miami upang mapangalagaan ang kalamangan.

Naisalpak ni Hayward ang pares ng free throws upang itabla ang iskor sa 40, may 3:38 ang nalalabi sa first half. Sumagot ang  Heat ng 10-4 run upang umabante sa 50-44 sa break.

Comments are closed.