TUMAPOS si Nikola Jokic na may 29 points, 13 rebounds at 12 assists, umiskor si Bruce Brown ng 25 points mula sa bench at pinataob ng host Denver Nuggets ang Phoenix Suns, 118-102, sa Game 5 ng kanilang Western Conference semifinal series noong Martes ng gabi.
Tumipa sina Michael Porter Jr. at Jamal Murray ng tig-19 points at kumubra si Aaron Gordon ng 10 para sa Nuggets, na kinuha ang 3-2 lead sa best-of-seven series.
Nakatakda ang Game 6 sa Huwebes sa Phoenix.
Tumabo si Kevin Durant ng 26 points at 11 rebounds, umiskor si Devin Booker ng 28 points at nagdagdag si Deandre Ayton ng 14 points at 9 rebounds para sa Suns.
76ERS 115, CELTICS 103
Tumirada si Joel Embiid ng 33 points, kumalawit ng 7 rebounds at nagtala ng 4 blocked shots upang pangunahan ang Philadelphia 76ers sa road victory kontra Boston Celtics sa Game 5 ng Eastern Conference semifinals.
Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 30 points at 7 rebounds para sa Philadelphia, na umangat sa 3-2 sa best-of-seven series. Sisikapin ng 76ers na tapusin ang series sa Game 6 sa Huwebes sa Philadelphia.
Nakakuha ang 76ers ng 17 points, 10 assists at 8 rebounds mula kay James Harden, habang nag-ambag si Tobias Harris ng 16 points at 11 rebounds.
Nanguna si Jayson Tatum para sa Boston na may 36 points at 10 rebounds. Sina Jaylen Brown (24 points) at Marcus Smart (14) ang iba pang Celtics na umiskor sa double figures.