DALAWANG taon pa lamang noon si Ron Lastimosa nang manalo ang kanyang tiyuhin na si Jojo Lastimosa ng grand slam habang naglalaro para sa Alaska Milkmen noong 1996.
Lumaki sa Cagayan de Oro tulad ng kanyang tiyuhin, hindi nasaksihan ng batang Lastimosa ang pagkinang ni Jolas noong kanyang kasikatan.
Para makita ang pinakamatagumpay na player sa pamilya, kinailangan niyang mag-browse sa Internet.
“Pinapanood ko na nga lang sa YouTube,” pahayag ni Ron sa PBA.ph. “Pero ang galing talaga ng uncle ko. Tama ‘yung dad ko, ang galing talaga ni Uncle Jolas.”
Ang ama ni Ron at si Jolas ay first cousins, na nangangahulugan na ang una ay magiging ikatlong Lastimosa na magtatangkang gumawa ng pangalan sa PBA.
Si Carlo Lastimosa, ang pinsan ni Ron, ang pinakahuli sa pamilya na naglaro sa PBA at umaasa ang huli na masundan ang mga yapak nito sa paglahok sa PBA Draft ngayong taon.
Subalit hindi tulad ng kanyang tiyuhin, na may matagumpay na stellar career, at pinsang si Carlo, na pumasok sa PBA bilang high-scoring guard mula sa St. Benilde, si Ron ay ‘unheralded baller’ ng pamilya. Naglaro siya para sa National University Bulldogs sa UAAP, pagkatapos ay sumabak sa MPBL kung saan sandali siyang naglaro para sa Muntinlupa Cagers at pagkatapos ay sa Pasay Voyagers.
Subalit bukod sa sandaling pagkinang niya sa MPBL, kinokonsidera ni Ron ang kanyang sarili bilang isang role player.
Kaya nakikita niya ang kanyang sarili na ‘underdog‘ sa hanay ng 97 PBA hopefuls na nagtatangkang pumasok sa liga.
“I’ll be fortunate to be picked up late in the draft,” ani Ron. “Masuwerte na ako kapag nangyari ‘yun. Gusto ko lang naman subukan din.” CLYDE MARIANO
Comments are closed.