MABILIS ang pagsirit ng consumer prices noong nakalipas na taon.
Dulot daw ito ng presyo ng meat products, partikular ang karneng baboy, at ilang balakid sa supply chain.
Ganyan ang obserbasyon ng mga ekonomista matapos maglabas ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng 2021 inflation data.
Kung hindi ako nagkakamali, sumampa sa 4.5 percent ang antas ng inflation noong isang taon mula sa 2.6 percent noong 2020.
Ang itinuturo nilang sanhi nito ay ang pagtaas naman daw ng presyo ng transport at non-alcoholic beverages.
Sabi ni National Statistician Claire Dennis Mapa, mas pinalala ng high pork prices ang problema sa food inflation noong isang taon.
Kung susuriin daw kasi, ang average monthly retail price ng pork sa National Capital Region (NCR) ay umakyat ng P348 kada kilo nitong Disyembre mula sa P332 sa sinundan nitong buwan.
Kumpara raw noong 2020, aba’y mas mataas ng P43 per kg ang karneng baboy noong December 2021.
Hanggang nitong Enero 10, 2022, mataas pa rin ang presyo ng pork, sang-ayon na rin sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Ang retail price ng pork kasim at liempo ay naglalaro sa P340 per kg at P380 per kg.
Kapansin-pansin na mas mahal ang pork liempo kumpara sa beef brisket na nasa P350 per kg lang daw ang halaga.
Posible raw na magpatuloy ang sitwasyong ito ngayong taon hangga’t hindi nawawala ang banta ng African swine fever (ASF).
Kahit tuloy-tuloy daw ang pagpaparami ng hog raisers ng kanilang mga baboy, hindi mawawaglit sa kanila ang takot na manalasa muli ang ASF.
Nakakatakot nga naman dahil baka maglakas-loob pa ang ilang trader na i-transport ang mga infected nilang alaga para lang hindi malugi.
Maliban sa pandemya, mahalagang isyu rin ang ASF sapagkat lubha itong nakakaapekto sa buong bansa.
Isipin n’yo na lang kung gaano kataas ang bahagdan ng hog mortality rate o ang pagdami ng mga namamatay na baboy noong 2020 bunga raw ng swine fever.
Isang viral na sakit ang ASF na sa baboy lang maaaring dumapo at naipapasa pamamagitan daw ng direct contact.
Kaya mahalagang maging mapagmatyag ang gobyerno at pribadong sektor lalo pa’t nagkaroon na ng outbeak ng fatal hog disease sa ilang European countries, kabilang ang Germany, ang nangungunang bansang inaangkatan natin ng imported pork.
Noong November 2021, iniulat ng Reuters na kinumpirma ng federal agriculture ministry ng Germany na kumalat ang ASF sa isang farm malapit sa Rostock sa silangang estado ng Mecklenburg-Vorpommern.
Ang malubhang sakit ay na-detect daw sa isang baboy-ramo o wild boar sa Piedmont region, Italy.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na raw ang pamahalaan ng mandatory 100-percent inspection sa lahat ng imported agricultural goods upang masawata ang smuggling.
Aba’y sa ilalim ng bagong inspection system, lahat daw ng imported farm items ay isasalang muna sa isang “open-close” examination sa ‘port of entry’ o border bago dalhin sa mga nakatalagang warehouses o second border.
Sadyang nakakatakot at nakapangangamba ang outbreak sa Germany.
Dahil dito, mahalaga ngang magkaroon ng pangmatagalang solusyon ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa ganitong uri ng suliranin.
Isa itong malinaw na banta sa food security ng bansa.