ISANG EBOOK LIBRARY PARA SA MAY KAPANSANAN, ATBP.

HINDI  naiisip ng marami sa atin kung gaano kalaking biyaya ang kakayahang makapagbasa ng libro, ang makapunta sa mga book fair at bookstore para bumili ng mga babasahing gusto natin.

Napaka-ordinaryong bagay nito kumbaga. Pero ang mga taong hirap magbasa dahil sa pagkabulag, diperensya sa paningin, dyslexia, cerebral palsy, at iba pa, ay maaaring hindi makaranas nito.

Maaaring hindi nila lubos na maunawaan ang kasiyahang dulot ng pagbabasa ng mga aklat.

Mabuti na lang mayroong Bookshare®. Isa itong ebook library na mayroong malaking koleksyon ng mga ebook para sa eksklusibong paggamit ng mga taong may tinatawag na reading barriers.

Sa kasalukuyan, nasa 1,224,476 titles sa lagpas 34 lengguwahe ang nasa Bookshare®.

Ito ang pinakamalaking koleksyon ng mga accessible ebooks sa buong mundo. Mayroong mga libro para sa eskwelahan at trabaho, may fiction, children’s books, mga tula, non-fiction, at marami pang iba.

Ang Bookshare® ay isang inisyatiba ng Benetech, isang nonprofit na tumutulong sa mga komunidad sa pamamagitan ng pamamahagi ng software.

Nabuo ang ebook collection ng Bookshare® sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mahigit 1,000 publishers sa Amerika at sa buong mundo.

Kabilang sa kanilang malawak na network ay mga organisasyon, mga volunteer, mga indibidwal na may-akda, at mga creators.

Ang Bookshare® ay pinapatakbo mula sa Estados Unidos sa ilalim ng isang copyright exemption—ang Chafee Amendment—na nagbibigay ng karapatan sa mga nonprofit organizations na magbahagi ng mga libro para sa mga taong may tinatawag na print disabilities na hindi na kailangang humingi pa ng permiso mula sa mga publishers ng aklat na ito. Mayroon din silang permiso na mamahagi ng mga aklat sa labas ng Amerika.
(Itutuloy…)