(Pagpapatuloy…) “TAYO ay malaya dahil sama-sama nating piniling maging malaya. Wala nang makakapigil sa ating kalayaan. At may dahilan tayo upang umasa dahil ngayon alam na natin na kapag nagkaisa tayo, mayroon tayong kapangyarihang makamit ang ating mga ninanais.” Ito ang mensahe ni Tita Cory noong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan taong 1986.
Totoo pa rin ito hanggang ngayon. Hindi natin dapat hayaang takot o pagkakawatak-watak ang pumigil sa atin upang matupad ang mga pangarap ng bayan. Kung tayo’y magsasama-sama, tulad ng sinabi ng dating Pangulong Cory, makakamtan natin ang ating mga adhikain. Ang pagtutulungan patungo sa iisang layunin ay may kapangyarihang magpabago ng ating kapalaran.
Ngunit ano nga ba ang kailangan upang magkaisa ang mga Pilipino? Ayon pa rin kay Tita Cory, “matinding determinasyon at hindi matatawarang tapang”. Tayo ang mga matatapang na mandirigma na ipinagtatanggol ang kalayaan ng bayan, aniya, at ang ating tapang, determinasyon, at pagsasama-sama ang magpapalakas sa anumang nais nating gawin.
“Hinihiling ko sa inyo ngayon na huwag bumalik sa pagiging kampante at huwag malugmok muli sa kawalang-pag-asa na para bang ang kapalaran ng ating bansa ay wala sa inyong mga kamay, na para bang wala kayong kapangyarihang sama-samang gawin kung ano ang inyong nais. Ang bawat oras ng inyong buhay ay maaaring maging larawan ng kalayaan sa pamamagitan ng inyong patuloy na determinasyong maging malaya at maging responsable para sa ating kinabukasan at kalayaan.” (Pangulong Cory Aquino, 1986)
Sana ay maalala ng sambayanang Pilipino na ipagdasal ang yumaong pangulo bilang paggunita ng ika-15 anibersaryo ng kanyang kamatayan noong unang araw ng Agosto.