ISANG PAGTINGING PUNO NG PAG-ASA PARA SA TAONG 2020

Joes_take

SA PAGTATAPOS ng taong 2019, hindi mahirap ang magkaroon ng positibong pananaw ukol sa kung ano ang naghihintay para sa atin sa taong parating. Isang tipikal na bagay para sa lahat ng tao ang umasa na ang susunod na taon ay magiging mas maganda at mas mabuti kumpara sa taong katatapos lamang.

Ang problema ng ­Filipinas ukol sa mabigat na daloy ng trapiko, lalo na sa Metro Manila, ay isa lamang sa mga problema ng bansa na agresibong hinahanapan ng solusyon ng mga nasa katungkulan. Ito na yata ang maituturing na pinakamalaking hamon na hinarap at kinakaharap ng mga nakaraan at ng kasalukuyang administrasyon.

Kung paniniwalaan natin ang mga sinasabi ng gobyerno na bubuti ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng bansa sa taong 2020, marahil ito nga ay isang bagay na maaari nating asahan sa susunod na taon.

Una nang sinabi ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na makararanas ng kaginhawaan sa pagbiyahe ang mga komyuter na dumaraan sa EDSA araw-araw kapag nakumpleto na ang pagpapatupad ng ‘decongestion plan’ ng administrasyon.

Mariing sinabi ni Villar na, “Next year will really be the banner year in terms of decongesting EDSA”. Sa taong 2020 daw kasi magsisimula ang mas progresi­bong yugto ng pagpapatupad ng nasabing plano.

Ang ginhawang kanyang tinutukoy ay inaasahang magsisimula sa pagtatapos ng paggawa ng Skyway Stage 3. Ang nasabing proyekto ay magdurugtong sa Buendia Avenue sa Makati sa San Juan, Manila, Quezon City, at North Luzon Expressway (NLEX). Makatutulong din daw sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko ang mga ginagawang tulay sa lungsod ng Pasig.

Sa aking paniniwala, ang pangunahing sanhi ng masikip na daloy ng trapiko sa EDSA ay ang dami ng mga sasakyang dumaraan dito. Ayon sa datos, tinatayang umaabot sa 380,000 hanggang 400,000 ang bilang ng mga sasakyang dumaraan sa EDSA kada araw. Ito ay halos doble ng kapasidad nitong 200,000 kaya ang napipintong pagtatapos ng Sky Way Stage 3 ay ina­asahang makatutulong sa pagpapaluwag ng daloy ng trapiko sa EDSA dahil magkakaroon ng alternatibong daanan ang ibang mga motorista patungo sa kanilang destinasyon.

Ayon sa Japan International Cooperating Agency (JICA), umaabot sa P3.5 bilyon ang halaga ng mga nasasayang na oportunidad para sa bansa kada araw dahil sa ating matinding problema sa trapiko. Ngunit sa kabila nito, kailangan pa rin nating manatiling positibo sa paglutas nito.

Sa aking personal na pananaw, ang industriya ng koryente ay isa rin sa maaaring asahang makapagbibigay ng malaking kontribusyon pagdating sa usapin ng pag-unlad ng ekonomiya sa taong 2020. Ayon sa mga eksperto sa industriya, inaasahang magiging puno ng hamon ang taong 2020 lalo na sa pagpasok ng panahon ng tag-init.

Bilang pinuno ng Public Information Office ng Meralco, nais kong ipaalam sa publiko na makaaasa silang handa ang Meralco na harapin ang anumang maaaring mangyari sa 2020.

Karaniwang tumataas ang demand sa koryente sa pagpasok ng panahon ng tag-init bunsod ng mas mataas na temperature na siya namang nagiging dahilan ng pagtaas ng konsumo sa mga kabahayan. Ang init ng temperatura ay nagreresulta rin sa mas madalas at mas matagal na paggamit ng mga kagamitang de kor­yente gaya ng aircon at bentilador. Ito ay maaaring magresulta ng kakulangan sa supply ng koryente dahil sa matinding pagtaas ng demand at manipis na supply na nangyayari sa power grid ng bansa. Dagdag pa rito ang mga pansamantalang paghinto ng mga planta ng koryente na nagiging sanhi ng pagdedeklara ng Yellow at Red Alert.

Upang mapaghandaan ang mga nabanggit na po­sibleng kaganapan, ang Me­ralco ay may ginagawang tatlong pangunahing hakbang upang masolusyonan ang manipis na supply ng koryente, lalo na sa pagpasok ng panahon ng tag-init.

Ang una ay ang ­Energy Saving at Efficiency ­Measures kung saan hinihikayat ng Meralco ang mga kon­syumer na gawing bahagi ng kanilang buhay ang masinop at matipid na paggamit ng koryente. Ito ay makatutulong din sa pangangasiwa sa sitwasyon ng demand sa koryente.

Ikalawa ay ang Interruptible Load Program (ILP). Ito ay isang programa ng pakikipagtulungan kasama ang aming mga commercial at industrial na customers. Sila ay gumagamit ng kanilang sariling genset kapag kinakailangan upang mas maraming koryente ang maaaring magamit ng mga residential na customer.

Ang ikatlo ay ang pagkakaroon ng mga pansamantalang Power Supply Agreement (PSA) tuwing panahon ng tag-init. Ang mga pansamantalang PSA na ito ay napakikinabangan kapag kinakailangan upang masuportahan at madagdagan ang mga kontrata ng supply na aprubado ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Para naman sa mga solusyon na pangmatagalan, patuloy ang pakikiisa at pakikipagtulungan ng Me­ralco sa industriya ng kor­yente, gobyerno, at iba pang mga stakeholder upang pa­tuloy na maibigay ang ­pangangailangan sa kor­yente ng mga konsyumer.

Sa ilalim ng gabay at patnubay ng Department of Energy (DOE) at ERC, magpapatuloy ang Me­ralco sa pagsailalim sa Competitive Selection Process (CSP) upang masigurong may sapat at abot-kayang halaga ng supply ng kor­yente para sa mga kon­syumer.

Nais ko ring ibahagi ang aking mithing pag-asa para sa ekonomiya ng bansa. Ang naging maganda at maunlad na takbo ng ekonomiya sa huling bahagi ng taong 2019 ay nagbibigay ng magandang pag-asa para sa mga negosyo ngayong taong 2020.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Go­vernor Benjamin Diokno, ang paglago ng ekonomiya nitong ikatlong quarter ng 2019 ay patunay na epektibo ang ‘catch up’ na plano ng gobyerno. Bunsod nito ay nagiging positibo rin ang mga negosyante at mga imbestor para sa taong 2020. Sinabi rin ni Diokno na ang naging paglago ng ekonomiya ng ating bansa sa taong 2019 ay maituturing na isa sa mga pinakamabilis kumpara sa ibang malala­king ekonomiya sa gitna ng bumabagal na ekonomiya sa global na antas.

Nang magsimula ang panunungkulan ni ­Pangulong Duterte sa bansa, mas lumaki ang ­atensiyong nakukuha natin mula sa buong mundo kahit na karamihan sa mga ito ay bunsod ng negatibong dahilan. Ngunit sa nalalapit na pagtatapos ng 2019, ay mas nakikita natin ang pangi­ngibabaw ng positibong mga dahilan. Ilang halimbawa ay ang pagtaas ng bilang ng mga turistang bumisita sa bansa. Naitala ang pinakamataas na bilang ng turistang pumasok sa bansa ngayong taong 2019. Isa sa dahilan nito ay ang na­ging matagumpay na ­pangangasiwa ng Filipinas sa katatapos lamang na 2019 Southeast Asian Games. Sa kabila ng mga kumalat na hindi magandang balita ukol dito, pinalakas pa rin nito ang rehiyonal at global na reputasyon ng Filipinas.

Nawa’y magawa na­ting magpaalam sa taong 2019 nang walang panghihinayang at pagsisisi. Sa halip ay maging mas positibo ang ating pananaw at perspektibo para sa taong 2020 upang mas mapalakas ang ating positi­bong imahe bilang isang bansa na siyang magbibigay daan para sa mas malalaking pagkakataon para sa Filipinas.

Isang masaganang Bagong Taon sa inyong lahat!

Comments are closed.