ISANG PUWESTO SA KONGRESO MASASAYANG

Kongreso

POSIBLE umanong masayang lamang ang isang puwesto sa Kongreso na nakuha ng Duterte Youth party-list group noong May 13 national and local elections.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon, sa kanyang sariling opinyon ay walang kuwalipikadong nominado ang Duterte Youth upang makapuwesto sa Kamara matapos na diskuwalipikahin ng Comelec First Division si dating Youth commissioner Ronald Cardema kamakailan dahil sa pagiging overaged nito.

Paliwanag ni Guanzon, kahit pa naghain na aniya si Cardema ng apela sa desisyon ng poll body, mistula naman aniyang ‘isinuko’ na rin niya ito dahil sa ginawang paghahain ng grupo ng panibagong set of nominees sa poll body, kung saan siya pa rin ang unang nominado, at ang kanyang asawang si Ducielle naman ang ikalawang nominado.

Sa tingin ni Guanzon ay malabo rin namang maaprubahan ang panibagong set of nominees na inihain ng grupo dahil Mayo 13 pa nang matapos ang deadline para rito.

“There was no nominee. In my opinion no one is qualified to get the seat,” ani Guanzon, sa panayam sa telebisyon.

“Posibleng masa­yang lang (ang puwesto)… what a waste. I mean, they (voters) could have voted for another party list…” aniya pa.

Aniya pa, maliit din ang tiyansa na mabaligtad ang una nilang desisyon na nagdidiskuwalipika kay Cardema dahil malinaw naman na talagang overaged na ito.

Hindi rin aniya tinukoy ng mga ito nang maghain ng petisyon para sa pagpaparehistro na ang kanilang grupo ay multi-sectoral at may kasamang mga youth professionals.

“They cannot win that argument,” aniya pa.

Kinumpirma rin ni Guanzon na posibleng sa loob ng isang buwan ay makapaglabas na ng desisyon ang poll body sa naturang kaso ni Cardema.

Tiniyak  pa ni Guanzon na dedesisyunan nila ng malinaw ang natu­rang isyu dahil magiging precedent aniya ito at posibleng magdulot ng problema sa Comelec sa hinaharap.

“We should decide the Cardema case with clarity and fully addressing the substantive issues because it will be a pre­cedent. Others will follow suit if he succeed. Someday it will create more problems for the Comelec and confused the voters as to what are our rules,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.