(Isinampa sa Ombudsman) P170M GRAFT VS MAYOR EMENG

SINAMPAHAN ng kasong paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act (RA3019) ang alkalde ng Gapan, Nueva Ecija kasama ang apat pang opisyal ng lungsod kaugnay ng mahigit P170 milyong pondo na hindi maipaliwanag kung saan na­gamit.

Sa labing isang pahinang demanda na iniharap sa Office of the Ombudsman nitong Oktubre 22, 2021, tinukoy ng complainant na si Reynaldo Linsangan Alvarez, residente ng San Vicente, Gapan City, ang mga kinasuhan na sina Mayor Emerson “Emeng” Pascual, City Disbursing Officer Mauricio Ongjoco, acting City Social Welfare Chief, Simeon Villareal, dating City Treaurer Bienvenido Molas, Jr.,at Local Revenue Collec­ting Officer Adrian Ongjoco.

Ayon kay Alvarez, lumitaw sa record ng Commission on Audit (CoA) na hindi nagsumite ng anumang dokumento si Mayor Pascual at mga kapwa niya kinasuhan kung saan nila ginamit ang P5,493,916 cash advance mula September 2018 hanggang January 2020 na umano’y nagastos para sa street lights, training and travelling expenses, conference meals at cash prices.

Sa kaparehong taon, mula Enero, Marso, Anril at Setyembre, nag-cash advance na naman umano si Mayor Pascual, et al, ng P42,114,000 para naman umano pambayad sa Cultura Presentation, Covid response, financial assistance at sa speakers sa Kabataan kontra Droga at Terorismo.

Noong Oktubre-Nob­yembre 2020, mayroon din umanong cash advance na P79,475.00 para sa cash assistance.

Disyembre 16-29, 2020; sina Mayor Pascual, City Medical officer ng Gapan na si  Ma. Carina Arceli Bautista at Adrian Ongjoco ay nag-cash advance na naman ng P12,723,850 para umano sa financial assistance at pension para sa mga senior citizen sa lungsod.

Pinagpapaliwanag din ng complainant si Mayor Pascual kung paano ang naging paraan ng pamamahagi ng P39,169,000 Social Amelioration Program, P71,244,000 local disas­ters and management funds.

Batay sa CoA Circular 47-002 na inilabas noong Pebrero 1997, ang mga cash advances ay dapat ginagawan ng liquidation report at isinusumite sa kanilang tanggapan kalakip ng mga resibo ng hindi baba sa lima hanggang animnapung araw.

Tahasang sinabi ng complainant na ang hindi pagsusumite ni Mayor Pascual at ng iba pang opisyal ng lungsod ay paglabag na sa batas kaya dapat umano silang mapatawan ng kasong kriminal at administratibo.

Kaugnay nito, hiniling din ng complainant sa Ombudsman na masuspindi si Mayor Pascual habang iniimbestigahan ang kaso upang hindi maimpluwensiyahan ang mga opisinang posibleng pagmulan ng mga ebidensiya laban dito.