ISINANGKOT SA PAGPATAY SA TIYAHIN NI BATA REYES HULI

patay

ZAMBALES – ISANG pulis na umano ay res­ponsable sa pagpatay sa tiyahin ni Efren “Bata” Reyes ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Regional Intelligence Division (RID), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) at Olongapo City Police sa isinagawang manhunt operation nitong nakaraang Lunes  sa Olongapo City.

Kinilala ni NCRPO Director Police Major General Guillermo Elea­zar ang akusado na Patrolman Elias Gamboa, 45, dating nakatalaga sa  Meisic Police Station, Station 11, Manila Police District (MPD) at nakatira sa #12 Conception East,  Zaragoza, Nueva Ecija.

Si Gamboa ay nag-AWOL (absence without leave) sa serbisyo matapos umano nitong mapatay ang tiyahin ni Bata na tinaguriang hari ng bilyar ng Filipinas.

Ayon kay Eleazar ang suspek ay naaresto noong Lunes (May 13) dakong  alas-11:00 ng  umaga sa  West  Bajac-Bajac, Olongapo City.

Pahayag pa ni Eleazar na ang suspek ang responsable sa pagpatay   sa biktimang si Victoria T. Pangilinan alyas “Nanay”, 60, noong Marso 20, 2005 sa Maynila.

Base sa record ng pulisya, ang biktima ay sinaksak ni Gamboa ng 19 na beses na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan matapos silang magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Nabatid na nagtago sa iba’t ibang lugar si Gamboa at naging tricycle driver ito para matustusan ang kanyang mga panga­ngailangan.

Subalit nagwakas ang kanyang pagtatago sa batas nang makatanggap ng impormasyon ang NCRPO na namataan ito sa area ng Olongapo City hanggang sa nadakip ito ng mga pulis.

Sa ikinasang manhunt operation ng NCRPO sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Tita Bughao Alisuag, ng Regional Trial Court (RTC) Branch 1, National Capital Judicial Region, Manila  dahil sa kasong Murder na may petsang Oktubre 2005 at walang nirekomendang piyansa rito ang korte.

Lumalabas din sa record ng pulisya na si Gamboa ay itinutu­ring na “National Most Wanted Person” na may patong sa ulo na halagang P145,000.00.  MARIVIC FERNANDEZ