(Isinasapinal pa ng DTI)BAGONG SRPs SA BASIC GOODS

DTI-4

SINASAPINAL pa ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bagong suggested retail prices (SRPs) ng basic necessities and price commodities (BNPCs).

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, pinag-aaralan pa ng ahensiya ang tamang timeline para sa paglalabas ng updated SRPs, na huling binago noong August 2022.

Aniya, ayaw nilang isabay ang bagong SRPs sa mga nangyayaring pagtaas sa presyo ng iba pang mga produkto.

“Actually initially, ang plano talaga natin is to release it this month in January kasi marami na rin tayong pending requests talaga, pero hindi pa po tayo tapos at pinag-aaralan din nating mabuti talaga kung kailan natin dapat ilabas,” sabi ni Castelo.

“‘Yung figures po, meron kaming natitirang validation dahil ang requests po panay rin ang dating sa atin, so meron na lang po kaming mga tinatapos na mahalagang figures din para masigurado natin talaga ‘yung computation, so wala pa po tayong date kung kailan natin siya ilalabas,” dagdag pa niya.

Ayon kay Castelo, kabilang sa mga petisyon na kanilang pinag-aaralan ay ang dagdag-presyo sa canned meat, canned sardines, condiments, coffee, processed milk, instant noodles, bread, candles, bath soap, at detergent soap.

Humihirit ang mga manufacturer ng price increase dahil sa pagmahal ng raw materials, gayundin ng petrolyo na nagpapataas sa halaga ng produksiyon.