(Isinusulong ng DOTr)DISCOUNT SA PASAHE SA PUVs

INIREKOMENDA ng Department of Transportation (DOTr) ang pansaman- talang pagkakaloob ng fare discounts sa mga commuter na sumasakay sa public utility vehicles (jeeps, buses, and UV Express) kapalit ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel.

Sa ulat ng GMA News, ang inirekomendang discounted fares ay ang kaparehong pasahe sa pre-pandemic at bago ipinatupad ang fare hike.

“Pre-pandemic fare matrix will be applied and the provisional fare increases implemented will be covered accordingly by the government,” pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista sa memorandum na isinumite kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Teofilo Guadiz III.

Batay sa rekomendasyon, ang minimum fare para sa traditional jeepneys ay magiging P9 mula sa kasalukuyang P12, habang sa modern jeepneys ay P11 mula P14.

Ang posibleng discount para sa bus ay hanggang P4, habang pinag-aaralan pa ng ahensiya ang sa UV Express.

Ayon sa DOTr, ang discounted fares ay ipatutupad sa ilang bahagi ng bansa.

“Ang ikokonsidera dito ay ‘yung mga ruta sa buong bansa na pinakamarami ang pasahero,” sabi ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor.