HINILING ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (COURAGE) sa pamahalaan na taasan ang minimum monthly wage ng state workers sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo at mga bilihin.
Ang COURAGE ay humihirit ng P21,000 minimum salary para sa lahat ng empleyado ng pamahalaan sa bansa.
Ayon sa grupo, ang pinakamababang salary grade — salary grade 1 — sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL5) at P12,517 kadaw buwan, malayo sa P42,000 monthly income na tantiya ni dating National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Ernesto Pernia na kinakailangang halaga ng isang tipikal na pamilyang Pinoy para makapamuhay nang disente.
“Ang dating panawagan nating pambansang minimum na sahod na P16,000 kada buwan kahit idoble pa ito ay lubhang kulang kumpara sa P42,000 buwanang halaga na kinakailangan upang mabuhay nang disente batay sa tantiya ng dating kalihim ng NEDA,” ayon sa COURAGE.
Tinukoy rin ng grupo ang mga pagkakaiba sa wage classifications na tinatanggap ng mga manggagawa sa local government units (LGUs), kung saan may ilang local government employees, aniya, ang sumasahod lamang ng P7,000 kada buwan.
Sinabi pa ng COURAGE na ang sahod ng lowest level workers sa government-owned and controlled corporations (GOCCs) ay hindi nagbago at kailanman ay hindi tinaasan sa ilalim ng Compensation and Position Classification System (CPCS), pursuant to Executive Order 150.
Mas mababa rin umano ang suweldong tinatanggap ng job order and contract of service workers sa gobyerno.