(Isinusulong sa gitna ng oil price hikes)ENERGY SUBSIDY SA PUBLIC TRANSPORT

Sherwin Gatchalian

NAIS ni Senador Win Gatchalian na magpatupad ang pamahalaan ng energy subsidy program na magbibigay ng safety net para sa sektor ng pampublikong transportasyon mula sa pagtaas ng presyo ng langis na kalaunan ay pipigil din sa posibleng pagtaas ng pamasahe.

Ayon kay Gatchalian, kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan nitong mga nakaraang buwan, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na asahan na ang panibagong pagtaas ng pamasahe sa loob ng buwan alinsunod sa petisyon ng mga grupo ng jeepney drivers.

Nakabimbin din sa LTFRB ang kahalintulad na fare hike petition na inihain ng mga operator ng bus, UV Express, at Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Sa ilalim ng Senate Bill No. 384, ang panukalang energy subsidy program ay naglalayong gawing institutionalized ang programang “Pantawid Pasada” ng gobyerno na nagbibigay ng fuel subsidies sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.

“Hindi natin dapat pahintulutan ang mataas na presyo ng langis na lalo pang makaapekto sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa. Matagal nang nahihirapan ang ating mga mamamayan dahil sa pandemya. Umaasa tayo na ang energy subsidy program ay magbibigay ng sapat na proteksiyon para sa sektor ng transportasyon at sa mga pasahero,” ani Gatchalian.

Dahil malamang na magpatuloy ang giyera sa pagitan ng Ukraine at ng Russia, sinab ni Gatchalian na kailangang magtatag ng isang mekanismo na poprotekta sa mga tsuper at operator ng pampasaherong sasakyan mula sa mga paggalaw ng presyo.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang subsidiya ay ipagkakaloob sa mga kuwalipikadong benepisyaryo kapag ang average na presyo ng Dubai crude sa tatlong magkakasunod na buwan ay katumbas o higit sa $80 kada bariles. Mula nang salakayin ng Russia ang Ukraine, ang Dubai crude ay umabot sa $120 kada bariles noong Marso at pumalo sa $96.51 kada bariles noong Agosto 31.

Ipinapanukala rin ni Gatchalian na ang pamimigay ng subsidiya ay sa pamamagitan ng digital payment system at magpapataw ng parusa laban sa mga opisyal ng gobyerno na hindi makatitiyak ng napapanahong pagpapalabas ng naturang energy subsidy sa lahat ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

“Ang pagtaas ng presyo ng langis ay palaging may masamang epekto sa ating ekonomiya. Sa sektor ng pampublikong sasakyan, ang anumang pagtaas ng langis ay kumakain sa pang-araw-araw na kita ng ating mga tsuper. Kung hindi tayo gagawa ng programa na magpoprotekta sa kanila mula sa pabago-bagong mataas na presyo, ang kabuhayan ng ating mga PUV driver ay patuloy na nanganganib,” pagtatapos ni Gatchalian.

VICKY CERVALES