(Isinusulong sa Kamara) CCTV, DASH CAM SA PUVs

Bernadette Herrera

ITINUTULAK ng isang kongresista ang paglalagay ng dashboard camera, closed circuit television (CCTV) at global positioning system (GPS) sa lahat ng pampublikong sasakyan sa bansa.

Sa kanyang House Bill 3341, pinaoobliga  ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera ang public utility vehicles (PUVs) at Transportation Network Vehicle Service (TNVS) tulad ng Grab na maglagay ng dashboard camera, CCTV at GPS bilang pagtugon sa standard safety equipment para mapangalagaan ang mga mananakay.

Ayon kay Herrera, lubhang kinakailangan ang paglalagay ng naturang safety devices sa harap ng paglobo ng mga krimen na kinasangkutan ng mga pampublikong sasakyan tulad ng pagnanakaw, kidnapping, rape, sexual assault, harassment at murder.

Naniniwala ang kongresista na sa paglalagay ng mga safety equipment ay mapangangalagaan ang riding public, gayundin ang mga pedestrian at motorista.

Aniya, malaking tulong ang mga instrumentong ito para maidokumento at maitala ang mga insidente sa kalsada, maging sa loob ng sasakyan.

Ipinanukala rin ni Herrera ang pagpapatupad ng special loaning program kung saan maaaring manghiram ang public transport operators at companies ng pambili ng nasabing mga safety equipment. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.