(Isinusulong sa Kamara) P750 NATIONAL MINIMUM WAGE

HINILING ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na itaas sa P750 ang national minimum wage sa bansa kasunod na rin ng serye ng oil price hike at walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kasabay nito ay hinamon ng kongresista ang mga presidential bet na suportahan ang pagsasabatas sa isinusulong na P750 mininum wage sa bansa, na magtataas sa income level ng mga manggagawang Pilipino sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Giit ng Gabriela solon, sa loob ng apat na taon ng Duterte administration ay nakapako lamang sa P537 ang minimum wage sa NCR.

Sinabi ng mambabatas na ang kawalang aksiyon ng pamahalaan sa paghihirap ng mga Pilipino lalo ngayong may pandemya at nagtataasan ang lahat ng presyo ay lubhang nakaiinsulto.

Sa kabila rin, aniya, ng pagluwag ng restrictions sa mga business operation at mobility ay nasa 3.27 million Pilipino pa rin ang walang trabaho hanggang nitong Disyembre 2021.

Pinakikilos ni Brosas ang gobyerno para obligahin ang mga malalaking kompanya na ibigay ang salary hike sa mga empleyado habang ang mga small and micro enterprises na walang kakayahang magbigay agad ng dagdag na sahod ay pinatutulungan naman sa pamahalaan sa pamamagitan ng wage subsidy programs. CONDE BATAC