BILANG pagkilala at maituturing ding kabayaran sa government social workers na nagsilbi sa frontline services sa gitna ng nararanasang pandemya, isinusulong sa Kamara ang pagkakaloob sa mga ito ng financial benefits, kabilang na ang P1 million death compensation.
Sa House Bill No. 10810, binigyang-diin ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na ang mga social worker ay dapat na ituring na bayani, na katuwang ng pamahalaan sa paglaban at sa layuning maibsan ang masamang dulot ng COVID-19 pandemic.
“Public social workers perform vital and valuable work in the delivery of social services to the Filipino people amidst the ongoing COVID-19 pandemic. They are heroes, promoting the good and welfare of our communities through a profession rooted on selflessness. This fact has especially rang true during these difficult times,” ayon pa sa kongresista.
Subalit ang masaklap, aniya, bagama’t nagbigay ang gobyerno ng hazard pay at special risk allowance sa frontliners sa panahon ng pandemic, hindi napabilang dito ang mga social worker, na karapat-dapat din namang makatanggap ng nasabing benepisyo.
Kaya naman sa ilalim ng HB No. 10810, isinusulong na magkaroon fixed monthly special risk allowances, active hazard duty pays, at PhilHealth coverage sa lahat ng work-related medical expenses ang public social workers.
Pinabibigyan din sila ng life insurance coverage, at dapat sagot ng pamahalaan ang kanilang accommodation, transportation, at meals, o kaya’y bigyan ng cash incentives sa katumbas nitong halaga.
Sakaling sa kasamaang-palad na sinuman sa hanay ng mga ito ay pumanaw dala ng coronavirus infections, may matatanggap ang kanilang naiwang pamilya na P1 million compensation, habang P100,000 kapag napabilang sa hanay ng severe sickness at P15,000 kung nagkaroon ng mild o moderate COVID-19.
Kapag ganap na naging batas, ang pondong gagamitin para sa pagpapatupad nito ay kukunin sa budget of the Department of Social Welfare and Development (DSWD), gayundin sa Miscellaneous Personnel Benefit Fund, o iba pang puwedeng mapagkunan na matutukoy ng Department of Budget and Management (DBM). ROMER R. BUTUYAN