(Isinusulong sa Kamara)200 KWH KONSUMO SA KORYENTE ILIBRE SA VAT

ITINUTULAK sa Kamara na ilibre sa pagbabayad ng 12% Value Added Tax (VAT) sa koryente ang mga pamilyang may maliit na kita.

Nakapaloob ito sa House Bill 161 na inihain nina SAGIP Partylist Reps. Rodante Marcoleta at Caroline Tanchay.

Iginiit ng mga kongresista na ngayon, ang koryente ay hindi na maituturing na isang luho kundi bahagi na ng pangangailangan ng isang pamilya.

Dahil dito ay nilulunok na lamang umano ng mga consumer kung anuman ang ipataw na singil sa koryente sa kanila gayong maraming isyu tulad ng ‘double taxation’ sa electric bills.

Sa panukala ay hindi na pagbabayarin ng VAT ang mga pamilyang kumokonsumo ng 200 kWH kada buwan.

Kung maisasabatas, halos P1.20 kada kWh o kabuuang P240 kada buwan ang maibabawas sa singil sa koryente.

Sa ilalim ng panukala ay papatawan ng P100,000 na multa ang sinuman o alinmang kompanya na hindi magbibigay ng diskwento sa mga kwalipikadong consumer.