DAHIL sa patuloy na paglawak at paglago ng sektor ng independent service providers kung saan kinikilala ito bilang isa sa economic drivers o nagpapalakas sa ekonomiya ng bansa, isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng proteksiyon at magtataguyod sa karapatan ng mga freelance worker.
Sa kanyang House Bill no. 3738, sinabi ni Davao City 1st Dist. Rep. Paola Duterte na bagaman dumarami ang freelance workers, kabilang na ang mga food delivery driver, courier at iba pa, na nagsimula sa panahon ng pandemya, sa ngayon ay walang kaukulang batas o anumang government regulations para sa hanay ng mga ito.
Ayon sa Davao City solon, base sa 2019 Global Gig Economy Index ng financial services provider Payoneer, ang Pilipinas ay pang-anim sa buong mundo na nakapagtala ng “fastest-growing market for freelancers”.
Nakasaad din sa report na tinatayang nasa 1.5 million hanggang 2 million ang Filipino freelancers sa bansa at sa pinakahuling datos ay tumaas ng 35 percent ang naitalang kabuuang kita ng mga ito.
Kaya naman para mabigyan sila ng proteksiyon at maisulong ang kanilang karapatan, sa ilalim ng HB 3738 ay iminungkahi ng kongresista na magkaroon ng written contracts sa pagkuha sa freelance workers at kung kinakailangan ay mabigyan sila ng night differential at hazard pay.
Ani Duterte, dapat nakasaad sa written contract kung ano-ano ang mga serbisyong ibibigay ng independent workers, maging ang bayad o rate of payment sa kanila, paraan sa pagkuwenta nito at kailan dapat maibigay ng kompanya.
Sa naturang kontrata, sinabi ng kongreista na ilalagay rin ang period of employment at mga magiging basehan para matukoy kung mayroong nagawang paglabag sinuman sa dalawang panig kasama na ang pagpapataw ng kaukulang parusa o penalty.
Hinihimok naman ni Duterte ang mga freelance worker na magparehistro at magbayad ng kanilang kaukulang buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at ipinaalaala niya na ang mga ito ay sakop ng tax relief provisions sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law at makikinabang din sa itinatakda ng Barangay Micro Business Enterprises Act.
ROMER R. BUTUYAN