UPANG mas maraming kabataan o mag-aaral ang maengganyong kumuha ng kurso sa agriculture, forestry o fishery, inihain ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee ang panukalang ‘Agripreneurs Scholarship Program Act’ na sa unang taon ng pagpapatupad ay popondohan ng P1 bilyon.
Paliwanag ni Lee sa kanyang House Bill No. 2419, isang Integrated Agripreneurs Scholarship Program (IASP) ang ilalatag sa bawat State Universities and Colleges (SUCs), gayundin sa private higher education institutions, na pamamahalaan ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Agriculture (DA).
Ang mga kuwalipikadong estudyante na kukuha ng alinman sa nabanggit na agriculture-related courses ay ituturing bilang “agripreneurs scholars” at makatatanggap ng iba’t ibang suporta mula sa gobyerno.
Ayon kay Lee, ang mga ito ay ang mga sumusunod: financial assistance para sa tuition at iba pang school fees; allowance para sa prescribed books, supplies at equipment; clothing o uniform allowance.
Gayundin ang allowance para sa dormitory o boarding house accommodation, o transportation allowance; bayad sa internship fees, kasama na ang pagtanggap ng financial assistance habang nasa internship period; financial assistance para sa pagkuha ng licensure exam sa loob ng isang taon pagkatapos maka-graduate ang sinumang ‘agripreneurs’ scholars; at pagkakaroon ng subsistence o living allowance.
Pagbibigay-diin ng mambabatas, bukod sa paglalaan ng pondo ng gobyerno para sa agriculture infrastructures at equipment, kailangang pagtuunan din ng pansin ang edukasyon at pagsasanay sa mga kabataan sa makabagong agricultural principles at techniques.
Sinabi pa ng AGRI party-list lawmaker na dapat mahikayat ang mas maraming kabataan na pasukin at magkaroon ng interes sa agrikultura, bukod sa layuning mabago ang kanilang pananaw at gawing exciting para sa kanila ang pag-aaral at pagkuha ng kasanayan sa larangan ng agri-prenuership.
Samantala, may probisyon sa proposed measure na ito ni Lee na pagkakaroon ng “mandatory return service program” kung saan sa loob ng isang taon makaraang maka-graduate, ang agripreneur scholar ay dapat magsilbi o magtrabaho ito sa alinmang public agricultural institutions o companies na accredited ng DA.
ROMER R. BUTUYAN