(Isinusulong sa Kongreso) INSURANCE SA CONSTRUCTION WORKERS

Romeo Momo Sr.

PORMALIDAD na lamang para sa House Committee on Labor and Employment ang gagawin nitong ganap na pag-apruba sa House Bill 2479 na naglalayong magkaroon ng ‘insurance coverage’ ang mga nagtatrabaho sa sektor ng konstruksiyon sa bansa.

Ito ang inihayag ni House Committee on Public Works and Highways Senior Vice Chairman Romeo Momo Sr., pangunahing may akda ng naturang panukalang batas, kung saan nagpasalamat din siya sa kanyang mga kapwa mambabatas sa pagsuporta sa kanyang House bill.

“Right after my sponsorship of House Bill 2479 in the committee, the chairman immediately moved for the creation of TWG (technical working group) and no one objected. Kaya talagang nagpapasalamat ako sa mga kasamahan ko sa pagsuporta sa aking panukalang batas. And I am hopeful my bill will be discussed and passed the third and final reading of our plenary the soonest time possible,” pahayag pa ni Momo, kinatawan ng Construction Workers Solidarity (CSW) party-list.

Ayon sa ranking House official, sa pagbalangkas niya ng HB 2479 o ang ‘Construction Workers Insurance Act’, pangunahin niyang isinaalang-alang ang kapakanan at kaligtasan ng mga manggagawa sa local construction sector at pinaninindigan niyang ang pagkakaroon ng mga ito ng insurance ay nararapat lamang.

“Being considered as ‘working in the most hazardous condition’, a mandatory group personal accident insurance coverage to construction workers is very much necessary. In this way, a speedy and efficient delivery of service to compensate for any injury, dissability or death arising from any job-related accident or illness suffered during the course of employment may be given to them,” pagbibigay-diin pa ng CWS party-list lawmaker, na siya ring vice chairman ng House Committees on Appropriations, Climate Change, Transportation at Disaster Management.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga employer o contractor na mayroong 10 o higit pang construction workers ay inaatasang kumuha ng group personal accident insurance para sa mga huli.

“The duration of the insurance shall start from the commencement of the service of the construction worker until the completion of the construction project or upon termination of the employment contract,” nakasaad sa HB 2479.

Mungkahi ni Momo, ang nasabing insurance coverage ay dapat mayroong P100,000 para sa death benefit at P30,000 naman sa burial benefit dapat kapwa matanggap ng  benepisyaryo sa loob ng 48 oras makaraan ang paglabas ng ‘written notice and declaration of death.’

Kapag natukoy naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang isang construction worker ay nagtamo ng total and permanent disability, ang biktima ay dapat makatanggap ng P75,000 cash benefit habang may kaukulan ding kabayaran para sa iba pang partial dissabilities at injuries, gayundin ang pagkaka-ospital.

Ang mga lalabag sa batas ay papatawan ng multang mula P200,000 hanggang P300,000 para sa first offense at parusang pagkabilanggo ng mula isa hanggang anim na taon o multa na hanggang P500,000 o pareho, base sa kautusan ng korte, para sa second offense.  ROMER R. BUTUYAN