PINALUTANG ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang posibilidad ng pag-aatas sa mga indibidwal sa Metro Manila na magpakita ng patunay ng booster vaccination sa pagpasok sa mga establisimiyento.
Sa virtual Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkoles, sinabi ni Concepcion na sa US ay kinakailangang magpakita ng booster cards bago makapasok sa mga establisimiyento.
Ani Concepcion, dapat gayahin ang polisiya sa Metro Manila, kung saan mataas ang vaccination rate.
“In [Metro] Manila, we should now enforce that this booster cards be shown. You have to bring your vaccination card and your booster card,” sabi ni Concepcion.
Sa datos ng COVID-19 Vaccination Dashboard ng Department of Health (DOH), hanggang February 1, 2022, may kabuuang 21,949,181 doses ng COVID-19 vaccines na ang naiturok sa National Capital Region (NCR), 9,588,197 rito ay completed doses, 9,891,316 ang first doses, at 2,469,668 ang booster doses.
Ayon kay Concepcion, ang pagpapakita ng booster cards “should be a minimum health protocol even without alert levels because it will remind us to take our vaccination on a regular basis, our booster on a regular basis…”
“…so that the immunity level in the Philippines will always be at a point that will prevent another variant from affecting us. It will protect those who get hit from hospitalization,” aniya.