(Isinusulong sa pagbaba ng COVID-19 cases) ALERT LEVEL 2 SA METRO

INIREKOMENDA ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang pagbababa sa COVID-19 alert level sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 2 sa gitna ng paghupa ng infections sa rehiyon.

Kasunod ng ulat ng OCTA Research na ang COVID-19 reproduction number sa NCR ay bumaba sa 0.50, sinabi ni Concepcion na kailangang simulan na ng bansa ang pagbuhay sa ekonomiya.

“We don’t want our economy to get COVID and we have to revive the economy. And the only way to do that is to start to realize that COVID-19 is here and it may stay. We will have a rise in infections, it will go down, but we have to live with that. There’s no other choice,” sabi ni Concepcion.

“Ang nakita natin sa projection ng OCTA Research bandang first week of February, second week of February mas bababa ang kaso dito sa NCR. At sa ibang lugar, hinihiling namin dito sa NCR dapat ibaba na sa Alert Level 2,” dagdag ni Concepcion.

Sa ilalim ng Alert Level 2, ilang establisimiyento at aktibidad ang pinapayagan sa 50% capacity sa indoors para sa fully vaccinated adults (at minors, kahit hindi bakunado) at 70% capacity sa outdoors.

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ang Metro Manila ay maaaring ilagay sa ilalim ng moderate risk.

Nauna rin niyang sinabi na ang COVID-19 cases sa NCR ay maaaring bumaba sa 500 sa February 14.