NAIS ni Senador Win Gatchalian na gawing simple at mas madali ang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang tax administration system na mabisa at kapaki-pakinabang upang mahikayat ang taxpayers na magbayad ng tama at nasa oras.
Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1346, puwedeng magbayad ng buwis sa pamamagitan ng electronic channels, pati na sa alinmang authorized agent bank (AAB) at hindi na lamang limitado sa mga AAB na nasa revenue district office kung saan nakarehistro ang taxpayer.
“Para sa kapakanan ng ating mga taxpayers, kailangan nating gawing simple ang proseso ng pagbabayad ng buwis habang sinisikap nating pahusayin ang tax compliance at palakasin ang mga karapatan ng taxpayers,” sabi ni Gatchalian.
Ang naturang panukalang batas ay nagpapakilala ng mga repormang pang- administratibo sa pamamagitan ng pag-amyenda sa ilang mga probisyon ng National Internal Revenue Code of 1997.
Iminumungkahi rin ng chairman ng Senate Ways and Means Committee na tanggalin ang opsyon na magbayad ng internal revenue taxes sa isang city o municipal treasurer na may sakop sa taxpayer, payagan ang adjustment ng VAT exemption threshold batay sa Consumer Price Index (CPI) na hindi lalagpas sa Enero 1, 2023 at bawat tatlong taon pagkatapos noon, at tiyakin ang pagkakaroon ng mga pasilidad sa pagpaparehistro ng mga taxpayers na hindi naninirahan sa bansa.
Ayon sa senador, kapag naisabatas na ang panukala, hindi lamang ito magbibigay ng premium sa kapakanan ng mga taxpayers kundi magagarantiyahan din ang paglago ng ekonomiya.
“Ang ating panukalang batas ay naglalayong gawing moderno ang pangangasiwa ng buwis at makapagtatag ng mga limitasyon para lalo pa nating mapahusay at gawing mas epektibo ang pangongolekta ng buwis. Inaasahan natin na ang mga hakbang na ito ay lalong maghihikayat sa ating mga taxpayers na gawin ang kanilang tungkulin na magbayad ng wastong buwis,” ayon sa senador.
Nauna nang naghain si Gatchalian ng hiwalay na panukalang batas na naglalayong lumikha ng Taxpayer’s Bill of Rights and Obligations Act na nagbibigay ng kapangyarihan sa mga taxpayers sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng kanilang mga pangunahing karapatan at obligasyon. Ang Senate Bill No. 1199 ay naglalayong lumikha ng Office of the Taxpayer Advocate na magsisilbing tagapagtanggol ng mga taxpayers sa pamamagitan ng pagtiyak na ang kanilang mga karapatan ay pinangangalagaan.
VICKY CERVALES