ITINUTULAK sa Senado ang pagkakaloob ng libreng tuition at iba pang fees sa qualified law students sa state universities and colleges (SUCs).
Sa kanyang inihaing Senate Bill (SB) No. 1610, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na upang malutas ang problema sa kakulangan ng mga empleyado sa legal profession, ang mga scholar ay magbibigay ng serbisyo sa pamamagitan ng mandatory return service sa Public Attorney’s Office o sa iba pang government agencies na nangangailangan ng mga abogado.
Ayon kay Tulfo, isa sa mga dahilan kung bakit mahirap matamo ang hustisya sa bansa ay dahil sa kawalan ng mga abogado.
Sa kasalukuyan ay may ratio na isang abogado na nagsisilbi sa 2,500 katao, malayo sa inaasahang isang abogado sa kada 250 tao.
Ang matrikula sa state universities ay nasa P24,000 hanggang P30,000 ngunit hindi pa kasama rito ang lahat ng living expenses at iba pang pangangailangan.
Sa ilalim ng SB No. 1610, sakop ng Free Legal Education Board ang tuition at iba pang fees na inaprubahan ng SUC governing board, gayundin ang bar examination at licensure fees at iba pang school student fees.
LIZA SORIANO