SULU – KINUMPIRMA ng Joint Task Force Sulu ang pagkakaneyutralisa sa Islamic State of Iraq and Sryria (ISIS) liaison Sa Abu Sayyaf Group na kinilalang si Talha Jumsah aka “Abu Talha” matapos na salakayin ng 1st Scout Ranger Battalion ang pinagkakanlungan nito sa Sitio Tubig Amu, Brgy. Tanum, Patikul kamakalawa ng umaga.
Narekober ang bangkay ni Abu Talha kinabukasan, Linggo ng umaga bandang alas-8:30 hindi kalayuan sa encounter site sa kasagsagan ng ginagawang follow-up operations ng mga tauhan ng 1101st Infantry Brigade.
Ayon kay Lt Col Gerald Monfort, Task Force Sulu spokesman, si Abu Talha ay itinuturing na high-value target ng Armed Forces of the Philippine (AFP) sa Sulu.
Sinasabing si Talha ay ISIS-trained IED expert na nagsisilbing bomb expert at instructor ng ASG sa paglikha ng mas malakas na bomba na ginagamit sa mga suicide bombing attack sa Sulu.
Nagsisilbi rin itong finance conduit at liaison sa pagitan ng mga foreign at local terrorist communication lines, ayon kay Monfort.
Pinarangalan naman ni Major General Corleto Vinluan Jr, Commander ng JTF Sulu, ang yunit ng Philippine Army Scout Ranger na gumapang sa pinaglulunggaan ni Abu Talha na nagresulta para ma neyutralisa ito ng militar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.