ISIS-LOCAL ‘TIGIL MUNA’ SA PAGPAPASABOG

pagpapasabog

NORTH COTABATO- WALA nang nakikitang indikasyon si Defense Secretary Delfin Lorenzana na muling makaka-pagsagawa ng pagpapasabog ang mga local terror group katulad ng nangyari sa Cotabato City.

Pahayag ito ng kalihim kasunod ng inilabas na travel advisory ng United Kingdom para paalalahanan ang kanilang kababayan sa bansa na magingat dahil sa posible pang maganap na pagsabog.

Ayon kay Lorenzana, normal lang ang inilabas na travel advisory ng United Kingdom bilang pagprotekta sa kanilang mga kababayan.

Malimit na aniyang ginagawa ito at isa nalang lamang ordinaryong hakbang.

Ginagawa rin aniya ito ng Filipinas sa ibang bansa na may nagaganap na gulo o karahasan upang paalalahanan ang mga kap­wa Filipino.

Matatandaang sa nang­yaring pagsabog sa harap ng isang mall sa Cotabato City ay dalawa ang napatay habang umabot sa 40 ang sugatan.

Hinala ng mga awtoridad kagagawan ito ng ISIS inspired local terror group.

BIFF ITINANGGI NA SILA ANG NASA LIKOD NG MALL EXPLOSION

Samantala, pinabulaanan ng kampo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang impormasyon na sila ang nasa likod ng pagpapasabog ng improvised explosive device (IED) sa South Seas Mall sa Magallanes St., Cotabato City noong Disyembre 31, 2018, bisperas ng bagong taon.

Ayon kay Abu Misry Mama, wala silang kinalaman sa nangyaring pagsabog.

Hindi rin aniya dapat isisi sa kanila ang mga pambobomba sa Central Mindanao.

Masama rin umano ang loob ni Mama sapagkat isa umano sa dalawang namatay sa Cotabato blast ay pamangkin daw nito.

Dagdag pa ni Mama, wala umanong pakialam ang BIFF sa isinusulong na Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa katunayan, “wait and see” lamang daw naman ang kanilang grupo sa magiging resulta nito. REA SARMIENTO

Comments are closed.