NAKIISA si Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso sa panawagan na isantabi na ang sisihan at mag-focus na lang sa mga paraan kung paano masusuportahan ang mga atletang Pinoy sa kanilang kampanyang magtagumpay sa ika-30 taon ng South East Asian Games (SEA Games) lalo na ngayong nangunguna na ang Pinoy sa paghakot ng medalyang ginto.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Moreno na sa gitna ng pagpupukulan ng sisi sa mga negatibong isyu na lumabas patungkol sa SEA Games, mas mahalaga na isipin lang ng bawat isa kung paano maipadarama sa mga atleta ang kanilang suporta.
‘Ang atin naman, ‘di naman perpekto ang gobyerno–lahat naman ng uri– pero kung anuman ang mga ‘yan (allegations), mga alingasngas, siguro pinakamaganda d’yan for now, ano na lang tayo, suportahan muna natin ‘yung mga atleta,’ pahayag ni Moreno.
‘Hayaan natin…anuman ang maging resulta ng laban nila (athletes), iparamdam natin sa kanila na mahal sila ng bansang Pilipinas (sic) at mga kapwa natin Pilipino (sic) sa buong mundo at the very least,” dagdag pa ni Moreno.
Hinikayat din ni Moreno ang publiko na mag-post sa kanilang social media ng mga mensaheng nagpapahayag ng suporta sa ating mga atleta upang magbigay ng higit na lakas ng loob sa mga ito. Mismong si Moreno ay nag-post na ng kanyang moral boosting support na mensahe sa mga atleta sa kanyang personal social media account.
Samantala, inanunsiyo na rin ni Moreno na dahil sa events kaugnay ng SEA Games sa Maynila, walang pasok ang Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod Maynila (PLM) hanggang Disyembre 7. VERLIN RUIZ
Comments are closed.