(Isusulong ng DILG) PERMANENTENG POSISYON SA BARANGAY HEALTH WORKERS

ISINUSULONG ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbibigay ng permanenteng posisyon sa mga barangay health workers at nutrition scholars.

Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang panawagang ito sa pre-awarding press conference para sa 2023 National Nutrition Awarding Ceremony panel kasama sina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa at National Nutrition Council (NNC) Executive Director Azucena Dayanghirang kamakailan.

Sa ilalim ng kasalukuyang set-up, sinabi ng DILG chief na ang mga barangay health workers at nutrition scholars ay coterminous sa mga barangay officials na nag-hire sa kanila.

“They are forced to resign after three years, once the new set of officials assume their posts, disrupting and greatly affecting ongoing health and nutrition community programs and projects,” ayon kay Abalos.

Nauna nang hinimok ni Abalos ang mga newly-elected barangay officials na panatilihin ang serbisyo ng mga barangay personnel, lalo na ang mga health workers, nutrition scholars, at barangay tanod upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga programa at proyekto sa mga komunidad.

Binigyang-diin ni Abalos ang mahalagang papel ng mga health workers at nutrition scholars sa implementasyon ng mahahalagang “health at nutrition programs” sa grassroots level.

Ayon sa Kalihim, isa sa mga dahilan ng kakapusan ng barangay health workers at nutrition scholars ay ang kakulangan ng sapat na pondo ng karamihan sa mga barangay para sa naturang posisyon.

Sa katunayan ay may mga barangay kung saan ang isang tao ay nagpe-perform ng dalawang tungkulin bilang barangay health worker at nutrition scholar.
EUNICE CELARIO