(Isusulong para sa informal sector, freelancers)MAS MABUTING KONDISYON SA TRABAHO

congress-1

SA PAGBUBUKAS ng 19th Congress, isusulong ni Senador Jinggoy Estrada na maisabatas ang pagpapabuti ng kondisyon sa trabaho ng mga manggagawang nasa informal sector, freelancers at mga naka work-from-home scheme.

“Hindi natin maikakaila na kasabay ng mga pagbabago sa ating pamumuhay ng dahil sa pandemya ay ang mga pamamaraan ng ating hanapbuhay at ang patuloy na paglago ng mga manggagawa sa informal sector at iba pa na hindi nakahanay sa mga regular na namamasukan sa mga opisina,” ani Estrada.

“May mga karampatang benepisyo at labor standards na dapat ding umiiral para maprotektahan ang kanilang kapakanan,” paliwanag ng incoming chairperson ng Senate Labor, Employment and Human Resources Development Committee sa kanyang pagbibigay prayoridad sa paghahain ng Senate Bills Nos. 42, 44, and 45.

Sa kanyang panukalang Magna Carta for Workers in the Informal Sector o SB No. 42, sinabi ni Estrada na naaayon ito sa mandato ng Konstitusyon na pairalin ang social justice at pagpapanatili ng karapatang pantao para sa mahihirap.

Layon din nitong itakda ang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa, magtatag ng mga pamantayan sa paggawa at pagsaklaw sa kanila sa mga social insurance program ng Social Security System (SSS), Pag-Ibig at Philhealth.

May mga probisyon din na ipinanukala si Estrada upang mabigyan ng seguridad sa lugar ng trabaho ang mga manggagawang nasa informal sector upang matugunan ang mga usapin tulad ng eviction, demolisyon, pagkumpiska ng mga materyales at pag-impound ng sasakyan at marami pang iba.

Sa ilalim ng SB No. 45 o ang panukalang Freelancers Protection Act, nais ng senador na magkaroon ng labor bill of rights for freelancers na magtatatag ng karapatan ng pagkakaroon ng kasulatan o written contract or agreement, makatarungang suweldo, right to self-organization, maging malaya sa anumang uri ng diskriminasyon at pang-aabuso.

Ang mga pamantayang ito ay ipatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Para sa mga nasa flexible working arrangement o telecommuting, iminungkahi ni Estrada sa kanyang SB No. 44 na baguhin ang normal na oras ng trabaho, kabilang ang pinaikling meal break at overtime.

Kasama rin sa listahan ng mga inihaing priority bills ni Estrada ang panukalang condonation ng multa sa mga hindi nabayarang kontribusyon sa Social Security System (SSS) ng mga household employer, Seafarers Bill of Rights, pag-amyenda sa komposisyon ng National Wages and Productivity Commission (NWPC), 20% discount sa mga bayarin at singil para sa mga mahihirap na aplikante sa trabaho, buwanang suweldo para sa mga driver at konduktor ng bus, pagtatatag ng National Manpower Data and Placement Center, pati na rin ang paglikha ng National Employment Assistance Center of the Philippines.

VICKY CERVALES