ISYU SA ASUKAL AT MGA MAPAGSAMANTALANG NEGOSYANTE, INAKSIYUNAN NA

Joe_take

NATAPOS na ang imbestigasyon tungkol sa isyu ng asukal ngunit patuloy pa rin ang usapan tungkol dito.

Samu’t saring mga kuru-kuro at teorya na ang kumakalat, at ginagamit na basehab ng pang-huhusga at pambibintang. Talamak na talaga ang mga mahilig magtahi ng kuwento ngayon na sa halip na tumulong sa bayan ay mas pinipili pang magkalat ng mga tsismis.

Nariyan din ang mga personalidad na para bang naghihintay lamang ng isang pangyayari na maaaring gamitin laban sa bagong administrasyon bilang patunay ng kanilang paniniwalang hindi magiging mahusay ang pamamahala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sampu ng gabinete nito kaya hindi na rin kataka-taka na nakatutok ang mga personalidad na tumutuligsa sa administrasyon sa isyung ito.

Pilit ding idinadawit sa isyung ito si Executive Secretary (ES) Atty. Victor Rodriguez at pinagpapaliwanag ukol sa naging proseso ng approval ng nasabing order. Maaalalang binawi agad ang order nang magbigay ng pahayag ang Palasyo na wala itong pahintulot ng Pangulo.

Sa kanyang naging pahayag, pinatotohanan ni ES Rodriguez na natanggap nya ang kopya ng Sugar No. 4 noong ika-5 ng Agosto, ngunit kanyang nilinaw na hindi siya sumagot ukol dito dahil wala pa aniyang tugon ang Pangulo sa paksang ito.

Mismong si dating DA Undersecretary Leocadio S. Sebastian ang nagbigay linaw na ginawa nya ang desisyon ng may mabuting kalooban. Kasabay ng paghahain ng kanyang pagbitiw sa puwesto, humingi ito ng paumanhin sa Pangulo dahil sa paggawa ng desisyon nang walang pahintulot nito.

Nagpahayag din ng kanyang opinyon sa paksa si Senate President Juan Miguel Zubiri at sinabi na artipisyal lamang ang sinasabing kakulangan sa supply ng asukal dahil iba, aniya, ang sinasabi ng naging resulta ng ginanap na raid sa isang warehouse kung saan nakita ang tone-toneladang mga nakaimbak na asukal. Hindi rin, aniya, ito makapaniwala na mayroong kinalaman si ES Rodriguez sa Sugar Order No. 4 dahil mismong si ES ang nagbigay-alam nito sa Pangulo.

Kung ating babalikan, si ES Rodriguez din ang nagbigay ng utos sa Bureau of Customs (BOC) ng Pampanga na magsagawa ng raid sa isang warehouse upang kumpirmahin ang balitang nakarating sa kanya na mayroon diumanong warehouse sa nasabing probinsya na palihim na nag-iimbak ng asukal.

Kaugnay ng ginawang operasyon, binigyang-diin ni ES Rodriguez na ang isinagawang raid at pagkumpiska ng mga nakaimbak na asukal ay babala sa mga negosyanteng sinusubukang manipulahin ang merkado sa pamamagitan ng pag-ipit ng supply para tumaas ang presyo ng produkto.

Seryoso, aniya, ang pamahalaan sa pagtugis sa mga mapagsamantalang negosyante na gumagawa ng mga katiwalian sa kanilang operasyon at nagiging karagdagang pasakit sa mga konsyumer.

Sa halip na palakihin ang isyu, ilaan na lamang ang lakas at oras para sa mga kapaki-pakinabang na gawain. Inaksyunan na ang isyung ito kaya’y dapat tapos na ito. Magtiwala tayo sa kapasidad ng pamahalaan sa pamununo ni PBBM.

Tiyak na alam nito ang kahalagahan na masigurong sapat ang supply ng asukal sa bansa dahil ito ay isa sa mga mahahalagang produktong agrikultura. Maraming mga produkto sa merkado gaya ng tinapay, mga softdrinks, mga kendi, at iba pa na naka-depende rito kaya’t dapat itong tutukan at kita naman na tinutugunan na ito ng pamahalaan.