UPANG matugunan ang hindi makatuwirang retail prices ng bigas sa ilang pamilihan, magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng “maximum suggested retail price (SRP) system” bago matapos ang Enero.
Sa isang panayam nitong Lunes, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na wala dapat imported rice na ibinebenta sa P60 kada kilo.
“We are now trying to establish ano ba ang maximum suggested retail price. So, we will be coming up with a maximum suggested retail price system very soon,” aniya.
Gayunman ay nilinaw niya na ang sistema ay hindi magsisilbing price cap sa retail rice.
“It’s not a suggestion, it’s like we’re saying na ito dapat ang maximum na presyo niyan (this should be the maximum price of that). But it’s not a price cap,” ani Tiu Laurel.
Aniya, ang P60/kg. level ng retail price ng bigas ay maaari nang ituring na profiteering.
Upang papanagutin ang mga importer at retailer para sa posibleng profiteering, ang DA ay makikipagpulong sa Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of Internal Revenue (BIR), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Department of the Interior and Local Government (DILG).
“Para ma-sort namin ang aming remedies kung paano ma-address ito. Clearly, nasa Price Act ata ang profiteering angle,” sabi ni Tiu Laurel.
Pagdating sa rice brands, nanindigan siya sa plano ng DA na alisin ang “premium” at “special” labels upang mapigilan ang profiteering.
“People are very brand conscious and I know that better than anybody in this country dahil (because) I’m a brand owner, I used to be a brand owner myself,” aniya.
“In the label pagka sinabi mong premium or special, hindi ba mas na-a-attract ka doon at willing ka na bilhin iyon nang mas mahal. Pero actually, hindi naman siya premium o special, parehas lang siya ng mga katabi niya,” dagdag pa niya, tinukoy ang kontradiksiyon sa price levels sa mga pamilihan na gumagamit lamang ng rice types, origin, at specification percentage.
Ayon sa DA-Bantay Presyo, hanggang Enero 3, ang presyo ng local at imported regular at well-milled rice sa Metro Manila ay nasa P38/kg. hanggang P54/kg.
Samantala, ang premium at special-labeled rice, kapwa imported at local, ay naglalaro sa P48/kg. hanggang P64/kg. ULAT MULA SA PNA