NAIS ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin ang operating hours ng MRT at LRT railways ngayong holiday season.
Ayon sa MMDA, makikipag-ugnayan sila sa Department of Transportation (DOTr) para sa panukalang pagpapalawig sa operating hours ng MRT at LRT upang may masakyan pauwi ang mall workers at shoppers matapos na pahabain ang mall hours.
“We’ll coordinate sa DOTr para ma-extend ang MRT and LRT saka providers, lalo na sa bus carousel para may masakyan ang ating mga kababayan,” wika ni MMDA Acting Chairman Don Artes.
Ani Artes, nakahanda rin ang MMDA sa inaasahang pagsisikip ng trapiko habang papalapit ang Pasko.
“Nung weekend as expected bumigat and daloy ng traffic pero ang nagkaroon talaga ng tukod ng traffic ay sa (South Luzon Expressway) at (North Luzon Expressway) pero within Metro Manila, di naman nangyari ‘yan. Napaghandaan natin, napagplanuhang mabuti,” sabi pa ni Artes.
“Na-manage naman natin properly ‘yung traffic sa Metro Manila. Naging problema ‘yung SLEX at NLEX napakarami ang lumabas,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Artes, nakahanda rin ang ahensiya sakaling magkaroon pa ng transport strikes sa harap ng nalalapit na deadline para sa consolidation ng PUJs sa Disyembre 31.
Kahapon ay nagsimula na ang 12-araw na tigil-pasada na ikinasa ng transport groups Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at
Manibela bilang protesta sa Dec. 31 franchise consolidation deadline sa ilalim ng public utility vehicle (PUV) modernization program.
Tatagal ang nationwide transport strike sa Disyembre 29.
Nauna nang naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng memorandum circular na nagkakansela sa permits ng PUVs na hindi nag-consolidate ng kanilang prangkisa sa Enero 1.