(Itinutulak sa Kamara) FUEL SUBSIDY, MICROINSURANCE SA FISHERFOLKS

PINOY FISHERMEN-2

INIHAIN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang panukalang batas na naglalayong bigyan ang lahat ng rehistradong municipal fisherfolks ng hindi bababa sa P1,000 monthly fuel subsidy, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) coverage at microinsurance mula sa Social Security System (SSS).

Sa kanyang iniakdang House Bill No. 8007 o ang “Pantawid Pambangka Act of 2023”, binigyang-diin ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang pangangailangan na matulungan ng pamahalaan ang mga mangingisda, na sa kabila ng malaking ambag sa pagpapatatag ng food production at supply ay nananatiling kabilang sa pinakamahirap na sektor ng bansa.

“Despite the fishing sector’s major contribution, our fishermen continue to be among the fundamental sectors’ poorest people. Hindi po makatarungan na kung sino pa ang producer ng pagkain, sila pa ang napapabayaan at pinaka-naghihirap,”sabi pa ng AGRI party-list solon.

“Ang ating mga mangingisda ang isa sa mga pinakaapektado kapag may kalamidad. Kasama sila sa pinaka-tinatamaan sa pagtaas ng presyo ng gasolina at ng basic commodities. In their meager income, how can our fishers provide food, medicine, education, clothing, shelter, fund for emergencies for their family?” tanong ni Lee.

Kaya naman sa kanyang principally authored bill, nais ni Lee na maging benepisyaryo ang lahat ng mga mangingisda sa loob ng municipal waters, maging coastal man o inland fishers, na gumagamit ng motorized water vessels na hindi hihigit sa 3 gross tons at rehistrado sa ilalim ng National Program for Municipal Fisherfolk Registration ng Bureau of Fishery and Aquatic Resources (BFAR).

Partikular na pagkakalooban ang mga ito ng minimum P1,000 monthly fuel assistance, na maaaring tumaas ang halaga depende sa umiiral na inflation rate, gayundin ang awtomatikong pagiging kasapi ng PhilHealth at saklaw ng microinsurance mechanisms ng SSS.

Dagdag pa ni Lee, kapag ganap na naging batas, bukod sa paglalaan ng regular na pondo mula sa taunang national budget para sa Department of Agriculture (DA) hinggil sa pamamahagi ng fuel subsidy, ang katumbas ng 10% ng anumang koleksiyon sa pagtaas ng excise tax sa gasolina at iba pang petroleum products ay maaari ring gamitin para sa nasabing programa.

-ROMER R. BUTUYAN