PINABORAN ng Senate Committee on Finance ang panukala ni Senador Win Gatchalian na dagdagan ang pondo para sa pagpapatupad ng Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS).
Ang FLEMMS ay isang household-based survey na nagtitipon ng mga impormasyon hinggil sa basic at functional literacy rates, pati na educational skills qualifications.
Sa ilalim ng committee report ng Senado sa panukalang 2024 national budget, makatatanggap ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng P208.97 milyon para sa pagpapatupad ng FLEMMS. Mas mataas ito ng 254.3% sa P58.9 milyon sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) at ng General Appropriations Bill (House Bill No. 8980).
Unang iminungkahi ni Gatchalian ang paglalaan ng P160 milyon para sa pagpapatupad ng FLEMMS sa susunod na taon. Sa isinagawang pagdinig sa panukalang budget ng PSA, iminungkahi rin ni Gatchalian ang pagsasagawa ng survey hanggang sa lebel ng mga siyudad. “Makatutulong ito sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na matukoy ang mga lugar na may mataas na illiteracy rates, upang makapaglun5sad tayo ng mga programa na mag-aangat ng antas ng edukasyon sa mga lugar na iyon,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“Sigurado akong magagamit nang husto ng EDCOM ang datos na makukuha natin gamit ang FLEMMS,” dagdag pa ni Gatchalian.
Ipinanukala rin ni Gatchalian ang mas regular na pagsasagawa ng FLEMMS. Huling ginawa ang FLEMMS noong 2019, ang ika-anim sa serye ng mga survey na nagsimula noong 1989.
Sa isinagawang pagdinig sa panukalang pondo ng PSA, binanggit ni National Statistician Dr. Dennis Mapa na pag-aaralan ng PSA ang posibilidad ng mas regular na pagsasagawa ng FLEMMS. Aniya, maaaring isagawa kada tatlong taon ang FLEMMS.
VICKY CERVALES