KINASTIGO ni Senador Raffy Tulfo ang kawalan ng ngipin sa batas ng paggawa dahil hindi ito kinatatakutan ng mga tiwaling employer sa kakulangan ng implementasyon nito.
Kaya sa ginanap na hearing sa Senate Committee on Labor nitong Miyerkoles, ang ginawang suhestiyon ni Tulfo ay patawan agad-agad ng parusa ang isang employer na hindi compliant sa minimum wage law at hindi nagbibigay ng tamang benepisyo sa oras na makapagpakita ng matibay na ebidensiya ang isang manggagawa laban sa kanya.
“Dapat one-strike policy ang pairalin laban sa mga isinusumbong na mga tiwaling employer sa DOLE. Kapag may iprinisintang matibay na ebidensiya ang manggagawa laban sa kanyang amo na hindi nagbibigay ng tamang pasuweldo at benepisyo, kailangan agad-agad patawan ng parusa si amo at obligahin na magbayad. Ito na ang dapat na bagong patakaran. Wala nang marami pang satsat!” giit niya.
Bukod sa parusa gaya ng mataas na multa, sinabi ni Tulfo na kailangan ding bayaran agad ng employer na inirereklamo ang kanyang manggagawa na “wala nang marami pang satsat.”
Sa kasalukuyang patakaran, kapag isinumbong ng tauhan sa DOLE ang kanyang amo, maraming proseso ang dadaanan kahit pa nakapagpakita na ng mga matitibay na ebidensiya ang manggagawa bilang patunay na lehitimo ang kanyang sumbong.
Mag-uumpisa ang DOLE sa pagpapadala ng sulat sa inirereklamong amo para humingi ng paliwanag at kapag hindi tumugon, bibigyan pa ito ng ilang pagkakataon para sumagot. At ang prosesong ito ay napagsasamantalahan ng mga abusadong amo dahil para sa kanila, ito’y isang paraan upang magkaroon ng delay ang pagkamit ng manggagawa ng hustisya.
Dagdag pa rito ay ang nakasaad na patakaran na kailangang dumaan sa mediation ang sumbong ng manggagawa na puwedeng umabot hanggang sa tatlong hearing. Sa huli, pabor na naman ito sa mga abusadong amo.
At kapag hindi pa talaga nagkasundo sa mediation, ipapasa naman ng DOLE ang sumbong sa NLRC kung saan madudurog na ang manggagawa sa gastos dahil magpapabalik-balik na siya sa NLRC. Kapag siya’y minalas-malas, aabutin pa ng deka-dekada ang kaso hanggang sa maresolba.
Sa bagong sistemang gustong mangyari ni Tulfo, na Vice Chairperson ng Committee on Labor, tatanggalin na ang pagkahaba-habang anti-poor na prosesong ito at babaguhin ang Rules of Procedure sa DOLE.
-VICKY CERVALES