ITOGON VICTIMS AAYUDAHAN NG TESDA

TESDA OFFICE

BENGUET – AAYUDAHAN ng Technical Education and Skills Development Autho­rity – Cordillera Administrative Region (TESDA-CAR) ang mga biktima ng abandonadong mining site sa Itogon, Benguet.

Ang TESDA ay paunang nagpadala ng donasyon tulad ng mga pagkain, damit, at gamot sa mga evacuation centers at skills training na makatutulong sa kanilang pagbangon mula sa idinulot na pinsala sa naganap na September 15, 2018 landslide tragedy sa nabanggit na lugar habang nananalasa ang bagyong Ompong.

Sa ulat na ipinarating ni TESDA-CAR Acting Regional Director (ARD) Engr. Manuel B. Wong, kay TESDA Director General/Secretary Guiling A. Mamondiong, 119 katao ang nagparehistro para sa skills training, kung saan 86 ang lalaki habang 33 ang babae.

Una rito, ang TESDA-CAR sa pangunguna nina Wong at Provincial Director David Bungallon ng TESDA-Benguet ay nakipagpulong sa Quick Response Task Force, na pinamumunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-CAR) noong Setyembre 21, 2018 kung saan tinalakay ang isasagawang tulong at intervention ng gob­yerno para sa mga apektadong biktima.

Ang tanggapan ay agad na naglagay ng registration desk sa Alejo ­Pacalso National High School kung saan maaring magparehistro ang mga bakwit at mga miyembro ng pamilya ng mga nasawing biktima para sa skills training o retooling.

Nakipagpulong din sina Wong at Bungallon kay Office of the Political Adviser Secretary Francis Tolentino kasama ang ibang mga ahensiya noong Setyembre 22 para magbigay ng kani-kanilang mga update ukol sa mga ginawang interventions at tulong para sa biktima ng nasabing kalamidad/trahedya. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.