CAMARINES SUR–NAHUKAY ng pinag-isang puwersa ng 22nd Infantry Battalion at Philippine National Police (PNP) ang isang drum na may lamang mga maka-teroristang kagamitan sa Barangay Calmayon, Juban, Sorsogon .
Kasunod ito ng pagsuko ng isang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa awtoridad kahapon na kinilala sa alyas Ka Gohan (dating miyembro ng Platoon 1, L2, KP3) kung saan isinuko rin nito ang isang kalibre .38 revolver.
Mismong si Ka Gohan ang nagturo sa pinagtataguan ng mga nasabing kagamitan kung saan nadiskubre ang isang drum na naglalaman ng isang M-1 carbine, isang AR-9, isang KG-9, isang Molotov, 350 ng mga bala para sa M16, nasa 10 metrong kable na gamit sa pampasabog, at iba pang medical paraphernalias.
Ang nasabing mga kagamitan ay agad naman na kinumpiska ng awtoridad sa lugar upang mailayo sa kapahamakan ang mga residenteng malapit sa lugar.
Ayon kay Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia (JTFB), ang pagkakadiskubre sa nasabing mga kagamitan ay patunay lamang ng patuloy na pagpa-plano ng CTG na maghasik ng kasamaan sa Bicol.
Kaya malaking tulong sa awtoridad ang tiwala at ang mga impormasyon ng publiko upang mapigilan ang mga masasamang plano ng teroristang grupo. VERLIN RUIZ