ISUSULONG ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na mabigyan ng police power ang Department of Agriculture (DA) para masawata ang talamak na smuggling ng agricultural products sa bansa.
Ang itutulak na panukala ay sa gitna na rin ng P300 billion na halaga ng ipinupuslit na palm oil na itinitinda sa merkado.
Kasabay nito ay hiniling ni Salceda kay Agriculture Secretary William Dar na magsumite ng draft ng panukala kaugnay sa isinusulong nilang police power.
Sa ihahaing panukala ay lilikha ng Agricultural Trade Intelligence and Investigation Service (ATIIs) sa loob ng DA na tatapatan ng mas pinalakas na Customs Intelligence and Investigation Service ng BOC.
Ang ATIIS ay bibigyan ng kapangyarihan na magsagawa ng imbestigasyon, manghuli sa mga nagkasala, kumpiskahin ang mga puslit na agricultural products at makipag-ugnayan sa customs enforcement.
Paliwanag ng kongresista, ang pagbibigay sa DA ng police powers para magpatupad ng batas laban sa smuggling ay titiyak na mayroon pa ring mga hakbang na sisilip sa mga produkto kahit pa ito ay nakalusot na sa mga ports sa bansa. CONDE BATAC