Na-appreciate ni Ivana Alawi ang walang kapagurang pagtatrabaho ng mga delivery riders at sinorpresa niya ang mga ito ng cash at bagong helmet.
Ito ang naisip na content ni Ivana sa kanyang vlog dahil sa hindi matatawarang serbisyo ng mga delivery rider ngayong pandemya.
Sobra raw kasing napabilib si Ivana sa sakripisyong ginagawa ng mga delivery-rider kahit pa ang sariling kalusugan ang kanilang ipinansasapalaran para lang magampanan ang kanilang trabaho at kahit minsan ay naloloko ng mga fake-bookers ay tuloy pa rin ang kanilang serbisyo.
“Yung reason talaga kung bakit ko ito ginagawa is because marami akong nakikita na scammer na mga tao, na akala nila nakakatawa na pagtripan nila ang mga driver na nagpapakahirap magtrabaho,” mensahe ni Ivana.
Ipinakita ni Ivana Alawi sa vlog niya ang kanyang pamimili ng helmet na kanyang ipamimigay sa riders.
At pagbalik nga niya sa bahay nila sa Taguig City ay isa-isa na siyang um-order sa iba’t ibang delivery services apps.
Pinapapili agad ni Ivana ng helmet ang mga delivery rider na dumadating at in-interview niya ang mga ito kung naloko na ba sila at nagkaroon na ng mga fake-booking.
At halos lahat nga sa kanila ay nakaranas daw ng fake booking o panloloko ng mga customer at hindi na nila nabawi ang perang inabono nila.
At para mapalitan ng kasiyahan ang kanilang kalungkutan ay nagpalaro si Ivana sa bawat rider.
Mayroon siyang mga katanungan na kapag nasagot ng tama ay may papremyong tumataginting na sampung libong piso. Sobrang natuwa ang mga delivery riders sa regalong ibinigay ni Ivana at may mensahe ang vlogger-actress para sa magigiting na riders.
“Yung sobrang masisipag natin na mga drivers, kahit pandemic talagang bumibiyahe kayo para makapagpadala ng mga pagkain, ng mga delivery, mga orders namin. “Salamat, saludo ako sa inyo.”
At para naman sa mga nanlolokong customer, ito ang kanyang mensahe:
“Maraming way na maglokohan kayo pero huwag mong pagtripan ang isang tao na nagtatrabaho nang marangal.
“Stop it. “Kung gusto niyong tumulong, tumulong kayo. “Huwag kayong mangti-trip ng ibang tao by using their money, by making them sad.
“Kasi hindi ninyo alam ang mga private buhay nila, e, may mga anak,” panawagan ni Ivana sa mga manlolokong customer. ANGELO BAINO
Comments are closed.