KASUNOD ng pagsapit ng Christmas season, pormal na ring inilunsad kahapon ng Department of Health (DOH) ang kanilang ‘Iwas-Paputok’ campaign upang matiyak na walang mabibiktima ng paputok ngayong taon.
Kaugnay nito, nanawagan naman si DOH Secretary Francisco Duque III sa publiko na makiisa sa kanilang kampanya para masiguro na ligtas na maipagdiriwang ng mga mamamayan ang Pasko at Bagong Taon.
Payo pa ng kalihim sa mga magulang at mga caregiver, maging mapagbantay sa kanilang mga anak at alaga, lalo na ang mga batang nasa 5 hanggang 9-taong gulang, dahil sa kanilang hanay nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng nabiktima ng paputok noong nakaraang taon.
Lumilitaw sa datos ng DOH, na sa kabuuang 340 kaso na nabiktima ng paputok mula Disyembre 21 hanggang Enero 5 noong nakaraang taon ay 338 ang nabiktima ng fireworks injuries, habang dalawa ang fireworks ingestion.
Sa 338 fireworks injuries, 275 (81%) ang lalaki at ang age range ng mga kaso ay mula dalawa hanggang 76-taong gulang, ngunit nasa 80 o 24% ang kabilang sa 5-9 years age group.
Hindi lamang naman mga ipinagbabawal na paputok ang nakapambiktima, kundi maging legal na paputok.
Batay sa tala, pinakamaraming nabiktima ang kwitis (22%), luces (12%), piccolo (6%), boga (6%), at triangle (5%).
Karamihan umano sa naitalang kaso nang pagkasugat sa paputok ay mula sa National Capital Region (123 cases o 36%), Ilocos Region (52 cases o 15%), at Western Visayas (51 cases o 15%).
“About 78% of cases sustained blast or burn injuries that did not require amputation. The top five body parts injured were the hand (45%), eye (25%), head and legs (10%), and forearm/arm (9%),” anang DOH.
“We are continuously communicating to the public the dangers of fireworks use. The DOH is advocating alternative and equally enjoyable ways of celebrating the holidays and welcoming the New Year without the risk of physical harm. I enjoin everyone to participate in the Iwas Paputok Campaign of the DOH,” ayon naman kay Duque.
“Lahat ng paputok ay nakakadisgrasya. Kaya iwasan po natin ang paggamit ng mga paputok. Community fireworks displays, street parties, musical concerts, horns, among others are safer and more festive alternatives to lighting up firecrackers,” dagdag pa ng kalihim. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.