JAKE CUENCA MANANAGOT SA BATAS — PNP CHIEF GUILLERMO ELEAZAR

Sumumpa si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na mananagot sa batas si Jake Cuenca sa pagsuway niya sa batas.

Hindi direktang bi­nanggit ni Eleazar ang pangalan ni Jake na pinaratangan niya ng pambabastos sa mga miyembro ng PNP sa insidenteng nangyari sa Mandaluyong City at Pasig City noong Sabado ng gabi, October 9, 2021.

Inakusahan din ni Eleazar si Jake na ginawang teleserye ang insidente.

Matatandaang sinabi ni Eastern Police District director na si Police Brigadier General Matthew Baccay na nagsasagawa sila ng buy-bust operation nang dumaan ang sasakyang minamaneho ni Jake.

Pinara umano ito ng mga pulis ngunit hindi huminto kaya nagkaroon ng habulan mula sa Mandaluyong City hanggang West Capitol Drive, Barangay Kapitolyo, Pasig City.

Pinaputukan umano ng mga pulis ng baril ang gulong ng sasakyan ni Jake, ngunit tumalbog ito at sa halip ay ang 43-year-old Grab deli­very driver na si Eleazar Martinito ang tinamaan.

Kinampiihan ni Pau­lo Avelino si Jake at sinabing kung siya man ang lumagay sa pwesto ng actor ay tatakas din siya dahil ang mga pulis na humahabol ay hindi nakauniporme at nagpaputok pa ng baril.

Binatikos ng netizens ang kapulisan dahil dito. Ayon kay Eleazar, nauunawaan niya ang sentimyento ng mga nertizens ngunit pinanindigan niyang mali ang actor.

“May isang motorista na imbes na humingi ng paumanhin at panagutan ang kanyang pagkakamali ay gumawa ng eksenang pang-teleserye at pampelikula. Hindi tumigil nang pinapapara,” ani PNP chief. “Being an actor and a public figure, he must set a good example for people who idolize him by owning up to his mistake and facing its consequences. Sa iyong ginawa, tinitiyak nating mananagot ka sa pambabastos mo, hindi lamang sa mga pulis kundi sa batas with proper investigation at sa kawalan mo ng disiplina sa sarili.”

Humingi naman ng paumanhin si Eleazar sa Grab driver na nadamay sa insidente.

Ang PNP umano ang mananagot sa medical expenses at hospitalization ni Mardtinito, at magbibigay sila ng financial assistance dito hanggang sa gumaling.

Nagsasagawa na rin umano imbestigasyon sa kaso ang Eastern Police District, at sumailalim na rin ng restrictive custody ang lahat  ng iniimbestigahan.

Siniguro niyang mapaparusahan ang mga may kasalanan, si Jake Cuenca man ito o ang mga pulis.

Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang actor sa nasabing insidente.  – KAYE NEBRE MARTIN

 

Comments are closed.