PATULOY ang pagbibigay ng karangalan sa bansa ni James De Los Santos na nasungkit ang ika-25 gintong medalya sa online KATA.
Tinalo niya si Botond Nagy ng Hungary na isang Guinness record holder.
Dinomina ng Filipino karateka si Nagy sa KATA Intercontinental League #4 E-Tournament nitong Martes.
Hawak ang no. 34 sa Olympic ranking, nai-set ng Hungarian ang record sa Guinness para sa fastest roundhouse kick sa karate noong 2018.
Napakahalaga para kay De Los Santos ang huling laban niya kung saan ang pinakamahusay na senior male na manlalaro ng Hungary ang makakaharap niya.
Noong nakaraang Oktubre ay hinawakan ni De Los Santos ang no. 1 spot sa world virtual KATA rankings matapos magwagi ng napakaraming gold medals sa E-KATA tournaments. Congrats!
o0o
Dadaan sa masikip na butas ng karayom ang Canoe team sa Olympic Qualifying Tournament subalit determinado silang makuha ang nag-iisang slot na ibinibigay sa darating na Asian Qualifying na nakatakda sa Marso 11-13, 2021 sa Pattaya, Thailand.
Inihayag ni Philippine Canoe-Kayak-Dragonboat Federation (PCKDF) head coach Leonora “Len” Escollante na patuloy pa rin ang paghahanda at pagsasanay ng dalawang atleta nila na sasabak sa qualifying tournament — sina 2019 Southeast Asian Games gold at double silver medalist Hermie Macaranas at ka-tandem nitong si Ojay Fuentes para sa 1000-meters canoe doubles.
“Puspusan pa rin naman ang ating ginagawang mga pagsasanay at programa sa ating mga athletes, kaso lang hindi lang sila maka-paddle sa ngayon dahil sa mga protocols. Ang mahalaga sumunod sila sa programs na pinapadala natin sa mga athletes natin sa probinsya na nache-check naman sa paggamit ng mga series of tests para malaman kung nag-training talaga sila,” pahayag ni Escollante sa lingguhang TOPS: Usapang Sports na live na napapanood sa Sports on Air sa Facebook page at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at PAGCOR.
Mabigat na makakatapat ng Filipinas sa quyalifying ang powerhouse China, Iran at Kazakhstan, gayundin ang mga koponan mula sa Tajikistan, Kyrgistan, at Uzbekistan dahil tiyak na malalaki at matatangkad ang mga manlalaro nito na paniguradong malalakas sa long distance events.
Comments are closed.